MARSO 7, 2017
SOUTH KOREA
Di-makatarungang Pagtrato ng South Korea kay Dong-hyuk Shin
Ibinibilanggo ng gobyerno ng South Korea ang daan-daan na tumatangging maglingkod sa militar udyok ng budhi. Pinarurusahan din nito ang mga lalaking tumatanggi na sa pagsusundalo udyok ng kanilang budhi kahit nakalista na sila bilang reserbang sundalo.
Noong bata pa si Dong-hyuk Shin, alam na niyang balang-araw ay tatawagan siyang magsundalo. Nagreport siya sa militar nang ipatawag siya, at nagampanan niya ang kaniyang paglilingkod sa militar at natapos ito noong 2005. Awtomatiko siyang inilista bilang reserbang sundalo at regular siyang ipatatawag para sa pagsasanay sa militar sa sumunod na walong taon.
Di-nagtagal, nag-aral ng Bibliya si Mr. Shin. Naantig ang kaniyang budhi sa mensahe nito tungkol sa kapayapaan at naudyukan siyang tanggihan ang paglilingkod sa militar. Nang ipatawag siya para sa pagsasanay sa mga reserbang sundalo noong Marso 2006, ipinagbigay-alam niya sa mga opisyal na tinatanggihan niya ang pagsasanay dahil labag ito sa kaniyang budhi.
Walang Kalayaan Para Sundin ang Udyok ng Budhi
Hindi kinikilala ng South Korea ang karapatang tumanggi sa paglilingkod sa militar dahil sa udyok ng budhi. Sa ngayon, regular nitong ipinatatawag para sa pagsasanay ng mga reserbang sundalo ang mahigit 40 Saksi ni Jehova na nagsabing tumatanggi na silang maglingkod sa militar.
Binale-wala ng militar ang pagtanggi ni Mr. Shin sa pagsasanay para sa mga reserbang sundalo at 30 beses siyang ipinatawag nito noong 2006. Patuloy pa ring ipinatawag si Mr. Shin sa sumunod na pitong taon. Lahat-lahat, mula Marso 2006 hanggang Disyembre 2013, ipinatawag siya nang 118 beses para sa gayong pagsasanay. * Magalang na tumatangging magreport si Mr. Shin sa tuwing ipatatawag siya, kaya 49 na beses siyang inusig, 69 na beses na kinailangang humarap sa mga trial at appeal court, at 35 beses na nahatulan sa pamamagitan ng hurado.
“Walang Ibang Opsyon”
Naniniwala ang mga korte na sinusunod lang ni Mr. Shin ang udyok ng kaniyang budhi. Sa isang desisyon noong Oktubre 7, 2014, sinabi ng Ulsan District Court: “Natural lang na [si Dong-hyuk Shin], nang maging isang Saksi ni Jehova, ay walang ibang opsyon kundi labagin ang batas sa kasalukuyang kaso, yamang imposible sa kaniya na pagtugmain ang tungkulin sa militar at ang udyok ng kaniyang budhi at relihiyosong paniniwala.”
Bagaman nauunawaan ng district court ang sitwasyon ni Mr. Shin, walang magawa ang mga korte sa South Korea kundi sundin ang mga kahilingan ng military service law. Si Mr. Shin ay pinagmulta ng mga korte ng mahigit 16 na milyong won ($13,322 U.S.) at anim na beses na sinentensiyahang mabilanggo nang di-kukulangin sa anim na buwan, na hinalinhan ng mga conditional sentence. Sa isang kaso, inutusan siya ng korte na magsagawa ng 200 oras ng paglilingkod sa komunidad.
Sinabi ni Mr. Shin: “Hiráp na hiráp ang loob ko. Parang wala nang katapusan ang pagsubok na ito. Alalang-alala rin ang pamilya ko dahil sa madalas kong pagharap sa korte. Labis ding nag-aalala ang nanay ko sa siyam na taóng iyon, kaya nakaapekto ito sa kaniyang kalusugan. Lungkot na lungkot ako dahil alam kong hiráp na hiráp din ang kaniyang kalooban. At nagkaproblema rin ako sa pinansiyal. Napakadalas akong ipatawag ng militar, at ang kasunod nito ay pag-uusig at paghatol, kaya pitong beses akong napilitang humanap ng bagong trabaho dahil malimit akong lumiban sa trabaho para humarap sa mga pagdinig sa korte.”
Paglabag sa mga Garantiya ng International Covenant
Inapela ni Mr. Shin ang lahat ng mga hatol sa kaniya sa mga korte ng South Korea, pero wala ring nangyari—apat na beses na tinanggihan ng Supreme Court ang kaniyang mga apela. Dahil hindi siya natulungan ng mga korte sa South Korea, nagsampa si Mr. Shin ng reklamo sa UN Human Rights Committee (Committee) noong Hunyo 2016. Sinabi niya na dahil paulit-ulit siyang ipinatatawag, pinag-uusig, at hinahatulan, nilabag ng South Korea ang obligasyon nito na respetuhin ang International Covenant on Civil and Political Rights. Ang reklamo ay nakapokus sa tatlong isyu:
Ang sitwasyon kung saan ang mga tumatangging magsundalo udyok ng budhi ay paulit-ulit na ipinatatawag para maglingkod sa militar at saka paulit-ulit na parurusahan ay maliwanag na itinuturing sa international law bilang paglabag sa karapatan sa patas na pagdinig.
Ang maraming beses na pagpapatawag para sa pagsasanay sa militar at ang kasunod na mga pag-uusig ay nagpapakitang gusto ng mga awtoridad ng Estado na gawing puwersahan ang paglilingkod sa militar. Naging bahagi na ng buhay ni Mr. Shin ang paulit-ulit na pag-uusig, at ang paghamak at pagturing sa kaniya na isang kriminal dahil sa pagsunod sa udyok ng budhi ay kahiya-hiyang parusa.
Dahil ang pagtanggi ni Mr. Shin sa paglilingkod sa militar ay matibay na nakasalig sa kaniyang relihiyosong paniniwala, inireklamo niya na nilabag ang karapatan niyang malayang sumamba at sumunod sa udyok ng kaniyang budhi.
Inaasahang Solusyon
Inaasahan ni Mr. Shin na positibo ang magiging desisyon ng Committee sa kaniyang reklamo dahil paulit-ulit na nitong sinabi na dapat respetuhin ng South Korea ang karapatan ng mga tumatangging maglingkod sa militar udyok ng budhi. * Umaasa siya na kikilalanin sa desisyon ang kakaibang sitwasyon ng mga nakalista bilang reserbang sundalo. Sinabi ni Mr. Shin: “Hindi ko pinagsisisihang nanindigan ako sa relihiyosong mga simulain at sa udyok ng aking budhi, pero tutol ako sa naging pagtrato sa akin. Sana naman, kilalanin ng gobyerno ng South Korea ang karapatan ng isang tao na tumanggi sa pambansang serbisyo kung salungat ito sa dikta ng kaniyang budhi.” Ganiyan din ang nadarama ng mga Saksi ni Jehova sa South Korea at sa buong daigdig.
^ par. 7 Si Dong-hyuk Shin ay ipinatawag ng militar nang 30 beses noong 2006, 35 beses noong 2007, 15 beses noong 2008, 9 na beses noong 2009, 17 beses noong 2010, at 12 beses noong 2011. Hindi na kailangan ang pagsasanay sa militar sa huling dalawang taon bilang reserbang sundalo, kaya hindi ipinatawag si Mr. Shin noong 2012 at 2013.
^ par. 18 Ang UN Human Rights Committee ay naglabas ng limang View na nagsasabing nilabag ng South Korea ang Article 18, “karapatan sa kalayaan ng pag-iisip, budhi, at relihiyon”: Yeo-bum Yoon and Myung-jin Choi v. Republic of Korea, Communication No. 1321-1322/2004, U.N. Doc. CCPR/C/88/D/1321-1322/2004 (November 3, 2006); Eu-min Jung et al. v. Republic of Korea, Communication No. 1593-1603/2007, U.N. Doc. CCPR/C/98/D/1593-1603/2007 (March 23, 2010); Min-kyu Jeong et al. v. Republic of Korea, Communication No. 1642-1741/2007, U.N. Doc. CCPR/C/101/D/1642-1741/2007 (March 24, 2011); Jong-nam Kim et al. v. Republic of Korea, Communication No. 1786/2008, U.N. Doc. CCPR/C/106/D/1786/2008 (October 25, 2012); and Young-kwan Kim et al. v. Republic of Korea, Communication No. 2179/2012, U.N. Doc. CCPR/C/112/D/2179/2012 (October 15, 2014).