Pumunta sa nilalaman

MAYO 7, 2018
SOUTH KOREA

Nagdispley ng Literatura sa Bibliya ang mga Saksi ni Jehova sa 2018 Olympics at Paralympics

Nagdispley ng Literatura sa Bibliya ang mga Saksi ni Jehova sa 2018 Olympics at Paralympics

Noong 2018 Olympic at Paralympic Winter Games sa Pyeongchang, na ginanap mula Pebrero 9-25, 2018, at Marso 9-18, 2018, nagsagawa ng pantanging kampanya ang mga kapatid sa Korea para mag-alok ng libreng salig-Bibliyang mga publikasyon sa maraming bisita mula sa ibang bansa.

Mahigit 7,100 kapatid sa buong bansa ang nakibahagi sa kampanya. Marami ang nanggaling sa mga lunsod ng Busan, Gwangju, Incheon, Seoul, at Suwon; ang ilan ay nanggaling mula sa malayong Jeju Island, isang kilaláng puntahan ng mga turista na mahigit 300 milya sa timog ng Pyeongchang.

Ang mga kapatid ay naglagay ng 152 public witnessing cart sa 48 lugar, kabilang na ang Gangneung Olympic Park at ang Pyeongchang Olympic Plaza. Pinayagan din silang magdispley ng ilang publikasyon sa pasukan ng isa sa mga religious center ng Olympic Village.

Dalawang cart malapit sa north gate ng Gangneung Olympic Park.

Karagdagan pa, pinayagan ng mga awtoridad ang ating mga kapatid na maglagay ng mga cart sa Gangneung Station Square, ang huling istasyon ng katatapos lang na KTX Gyeonggang Line, na naghahatid ng mga pasahero mula Incheon at Seoul tungo sa Pyeongchang. Noong unang araw ng Olympic Games, mahigit 28,000 katao ang naglakbay sa pamamagitan ng Gangneung Station.

Para makatulong sa tinatayang 80,000 banyagang bisita, ang ating mga kapatid ay nag-alok ng mga aklat, brosyur, magasin, at tract sa mga 20 wika kasali na ang wikang Chinese, English, Kazakh, Korean, at Russian. Bukod diyan, ang mga kapatid na bihasa sa Korean Sign Language ay gumamit ng mga cart na nagtatampok ng mga video sa sign language para sa maraming bingi na pumunta sa Paralympics. Mahigit 71,200 literatura ang naipamahagi, kabilang na ang mahigit 22,000 imbitasyon para sa Memoryal.

Sa buong daigdig, ang mga Saksi ni Jehova ay gumagamit ng mahigit 300,000 cart para idispley ang kanilang literatura sa mahigit 35 bansa. Sa ganitong paraan, nakakapangaral sila sa mga tao saanman masumpungan ang mga ito, at lubusan nilang nagaganap ang kanilang ministeryo.—2 Timoteo 4:5.