HUNYO 9, 2017
SOUTH KOREA
Kinikilala ng Korte sa South Korea ang Karapatang Pantao ng mga Tumatangging Magsundalo Dahil sa Budhi
Noong Mayo 1, 2017, ang Seoul Administrative Court ay nagdesisyon na ang ginawa ng Military Manpower Administration Office (MMAO) na hiyain sa publiko ang mga tumatangging magsundalo dahil sa budhi bilang mga military evader (umiiwas sa paglilingkod sa militar) ay maaaring magdulot sa kanila ng permanenteng pinsala. Nagdesisyon ang korte na dapat suspendihin ng MMAO ang pagbubunyag ng personal na impormasyon sa opisyal na website nito na nagpapakilala sa mga tumatangging magsundalo dahil sa budhi, habang hinihintay pa ang desisyon sa isang administratibong kaso ng reklamo laban sa ginawa ng MMAO. Sinunod ng MMAO ang suspension order.
Hindi mga Military Evader
Maaga noong 2015, inabisuhan ng mga komisyoner ng MMAO ang mga tumatangging magsundalo dahil sa budhi na ilalathala nila sa publiko ang personal na impormasyon ng mga ito bilang mga military evader. Kilala ng MMAO ang mga lalaking ito dahil silang lahat ay sumulat sa MMAO bago sila ipatawag sa militar para ibigay ang impormasyon na nagpasiya silang tumangging magsundalo dahil sa budhi pero handa silang magsagawa ng alternatibong serbisyong pansibilyan. Pero noong Disyembre 20, 2016, inilathala ng MMAO sa website nito ang pangalan, edad, adres, at iba pang impormasyon ng mga lalaki bilang mga military evader.
Nagulat si Gyeong-chan Park, isang tumatangging magsundalo dahil sa budhi at isang Saksi ni Jehova, na makita sa website ang kaniyang pangalan na kabilang sa 237 na nasa listahan ng mga military evader. Sinabi niya: “Nanindigan ako para sa aking taimtim na paniniwala na tumangging magsundalo dahil sa budhi, at inaasahan kong may babatikos sa aking paninindigan. Pero nadismaya ako na itinuturing ako ng gobyerno bilang isa na ‘umiiwas’ o evader. Tiyak na kilalang-kilala ng MMAO ang mga Saksi kaya alam nila na ang aming motibo sa pagtangging magsundalo dahil sa budhi ay hindi isang makasariling pagtanggi sa tungkuling pambayan.” Sinabi pa niya: “Nang makita ko sa listahan ang aking pangalan at adres, natakot ako na baka may pumunta sa bahay ko at ligaligin ako.”
Sa aplikasyon sa pagsuspende sa pagbubunyag ng mga pangalan, ikinatuwiran ng 140 Saksi na pinanganlan sa website na binigyang kahulugan ng Military Service Act ang isang military evader bilang isa na tumatanggi “nang walang makatuwirang dahilan” noong ipatawag na magpalista sa militar. Ikinatuwiran ng mga lalaking ito na hindi sila evader o umiiwas, ni sila man ay “walang makatuwirang dahilan” sapagkat hinihiling ng batas ng South Korea at ng internasyonal na mga obligasyon na kilalanin ang karapatan ng mga tumatangging magsundalo dahil sa budhi. Ang desisyon may kinalaman sa pagkilala sa karapatang ito sa South Korea ay nakabinbin pa sa Constitutional Court nito.
Nadagdagan Pa ang Parusa Dahil sa Pag-abuso sa Kapangyarihan
Ikinatuwiran din ng mga Saksi na bagaman nagdulot sa kanila ng kaligaligan at kawalang-dangal ang pagbatikos ng lipunan, hindi nito nabago ang moral na paninindigan ng mga Saksi ni Jehova sa pagtangging magsundalo dahil sa budhi. Sa South Korea, napagtagumpayan ng mahigit 19,000 Saksi ni Jehova ang panggigipit na ito at nakapagbata sa kabuoan ng mahigit 36,000 taon ng pagkabilanggo sa nakalipas na 60 taon. Iniisip at itinuturing nila na ang pagbubunyag ng kanilang personal na impormasyon sa publiko ay isang uri ng parusa at isang disbentaha sa kanila yamang sinasabi ng gobyerno ng South Korea na may criminal record na sila dahil sa pagsunod nila sa kanilang budhi.
Hinihintay ang Araw na Haharap Sila sa Korte
Ang mga Saksi ni Jehova sa South Korea ay nagpapasalamat na kinilala ng korte ang usapin ng paglabag sa karapatang pantao at umaasa sila na ang desisyong ito ay may positibong epekto sa administratibong kaso, na malapit nang suriin sa korte. Naghahanda rin sila ng petisyon sa National Commission on Human Rights ng South Korea na magbigay ito ng opisyal na opinyon may kinalaman sa usaping ito sa korte. Ang kaso ay nakaiskedyul na dinggin sa Hunyo 28, 2017.