Pumunta sa nilalaman

PEBRERO 19, 2015
SOUTH KOREA

South Korea Nagkasala ng Di-makatuwirang Pagbibilanggo sa mga Tumatangging Magsundalo Dahil sa Budhi

South Korea Nagkasala ng Di-makatuwirang Pagbibilanggo sa mga Tumatangging Magsundalo Dahil sa Budhi

Kinondena ng UN Human Rights Committee ang gobyerno ng South Korea sa di-makatuwirang pagbibilanggo nito sa mga tumatangging magsundalo dahil sa budhi at sa paglabag nito sa kanilang karapatan sa kalayaan ng budhi. Ito na ang ikalimang desisyong inilabas ng Committee laban sa South Korea sa pagbibilanggo nito sa mga tumatangging magsundalo dahil sa budhi, pero sa kauna-unahang pagkakataon, ipinasiya ng Committee na “di-makatuwiran” ang pagkabilanggo ng mga ito. *

Sa apat na naunang desisyong kinasasangkutan ng 501 tumangging magsundalo, nakita ng Committee na nilabag ng South Korea ang kalayaan ng pag-iisip, budhi, at relihiyon na ginagarantiyahan ng Article 18 ng International Covenant on Civil and Political Rights (ICCPR). Pero sa pinakabagong desisyon, na pinagtibay noong Oktubre 15, 2014, at isinapubliko noong Enero 14, 2015, na kinasasangkutan ng 50 kabataang lalaking Saksi, mayroon pang napatunayan. * Nang parusahan ang mga lalaking ito ng pagkabilanggo dahil sa pagsasagawa ng isang saligang karapatan, nakita ng Committee na nilabag din ng gobyerno ang Article 9 ng ICCPR, na nagbabawal sa di-makatuwirang pagbibilanggo at gumagarantiya sa karapatan sa kaukulang kabayaran. Ayon sa Committee, ang “‘kawalan ng katuwiran’ ... ay dapat bigyan ng mas malawak na kahulugan para maisama ang pagiging di-nararapat [at] di-makatarungan.” Kaya ipinasiya nito na ang “pagbibilanggo bilang parusa para sa lehitimong pagsasagawa ng kalayaan sa relihiyon at budhi na ginagarantiyahan ng article 18 ng Covenant” ay di-makatuwiran.

Obligadong Lutasin ang Isyu

Sa desisyon ng Committee, inutusan nito ang gobyerno ng South Korea na burahin ang criminal record ng 50 Saksi at bigyan sila ng sapat na kabayaran. Sinabi pa nito na ang gobyerno ay “obligadong ... [magpatupad] ng mga batas na gumagarantiya sa karapatan ng mga tumatangging magsundalo dahil sa budhi.” Kailangan ding magbigay ang South Korea ng “impormasyon tungkol sa mga hakbang na ginawa nito para ipatupad ang kasalukuyang Views” sa loob ng 180 araw mula nang pagtibayin ang desisyon.

Mula’t sapol, tumatanggi ang South Korea na magpatupad ng programa para sa alternatibong serbisyo dahil sa mga banta sa seguridad nito at sa di-pagkakasundo ng iba’t ibang sektor ng lipunan tungkol sa isyung ito. Sa ikalimang pagkakataon, ibinasura ng Committee ang pangangatuwiran ng gobyerno, at tinukoy ang paninindigang ipinahayag sa nauna nitong Views na inilabas noong 2006. Sa Views na iyon, sinabi ng Committee na “nabigong patunayan [ng South Korea] kung anong mga pantanging disbentaha ang maaaring bumangon kapag lubusang iginalang ang mga karapatan ng mga tumatangging magsundalo dahil sa budhi.” Tungkol naman sa isyu ng pagkakaisa at pagkakapantay-pantay, sinabi ng Committee na ang “paggalang mismo ng Estado sa mga paniniwala dahil sa budhi at sa mga kapahayagan nito ay isang napakahalagang salik para matiyak ang pagkakaisa at katatagan ng iba’t ibang sektor ng lipunan.” Kaya nanindigan ang Committee na walang makatuwirang dahilan ang South Korea para ibilanggo ang mga tumatangging magsundalo dahil sa budhi.

Dahil sa di-makatuwirang pagbibilanggo nito sa mga tumatangging magsundalo udyok ng budhi, maliwanag na ang South Korea ay hindi nakasusunod sa internasyonal na mga batas at pamantayan tungkol sa isyung ito.

Bagaman ang South Korea ay lumagda sa ICCPR noong 1990, patuloy itong tumatangging sumunod sa mga obligasyong itinakda ng kasunduang iyon may kinalaman sa mga tumatangging magsundalo dahil sa budhi. Taon-taon, patuloy pa ring ibinibilanggo ng mga awtoridad sa Korea ang daan-daang kabataang Saksi. Paulit-ulit nang nagsalita ang UN Human Rights Committee alang-alang sa mga tumatangging magsundalo sa South Korea. Panahon lang ang makapagsasabi kung tutugon ang gobyerno sa tumitinding panggigipit ng ibang bansa na wakasan na ang di-makatuwirang pagbibilanggo at gumawa ng mga batas na gumagalang sa budhi ng mga mamamayan nito.

^ par. 2 Tingnan ang CCPR Communication No. 2179/2012, Young-kwan Kim et al. v. Republic of Korea, Views na pinagtibay noong Oktubre 15, 2014, par. 7.5.

^ par. 3 Sa larawan sa itaas, 30 sa 50 kabataang Saksi ang makikitang nakatayo sa harap ng Supreme Court ng South Korea, kung saan una silang umapela.