Pumunta sa nilalaman

ENERO 25, 2017
SOUTH KOREA

“Pinakamagandang Desisyon ng Korte sa Taóng Ito”

“Pinakamagandang Desisyon ng Korte sa Taóng Ito”

Ang tatlong kabataang lalaki, sina Hye-min Kim, Lak-hoon Cho, at Hyeong-geun Kim, ay lumabas sa appeal court nang malaya at nagpapasalamat na hindi sila sinentensiyahang mabilanggo. Nakakagulat ang desisyon dahil ang kaso nila ay tungkol sa pagtangging maglingkod sa militar udyok ng budhi. Bawat taon, daan-daang lalaki sa South Korea ang nabibilanggo dahil sa gayong paninindigan. Ang matagal nang isyung ito rin ang dahilan kung bakit nabilanggo ang kanilang mga ama at ang mahigit 19,000 na nauna sa kanila, kaya inaasahan ng tatlong kabataan ang gayon ding parusa. Ang makasaysayang desisyong ‘not guilty’ na ibinaba ng Gwangju Appellate Court ay naglatag ng pundasyon para sa positibong pagbabago ng pananaw sa isyung ito.

Ibinaba ng Appellate Court ang “Pinakamagandang Desisyon ng Korte sa Taóng Ito”

Di-kukulangin sa 200 news outlet ang nag-ulat tungkol sa kasong ito, anupat itinampok ang posibleng maging epekto ng unang desisyong ‘not guilty’ mula sa isang hukuman sa apela at ang umiinit na interes ng taong-bayan sa isyung ito. Tinawag ito ng isang diyaryo na “pinakamagandang desisyon ng korte sa taong ito” at sinabi ng isa pang diyaryo na isa ito sa limang pinakamagandang desisyon ng korte sa South Korea noong 2016.

Mapapansin sa desisyon ng appellate court ang nagbabagong pananaw ng mga hukom at eksperto sa batas tungkol sa isyung ito. Sa ilang kaso kamakailan, nakita ng mga hukom na ang pasiya ng mga lalaking iyon ay udyok ng tunay at malalim na moral na paninindigan at ang pagpilit sa kanila na maglingkod sa militar o ang pagpaparusa sa kanila sa pagtangging gawin iyon ay lalabag sa kalayaan nilang sumunod sa udyok ng budhi. Sinabi ng mga hukom na iyon na ang mga nasasakdal ay may “makatuwirang dahilan” para tumangging maglingkod sa militar. Sa halip na ituring silang ‘military evader,’ ang mga hukom ay nagbaba ng 16 na desisyong ‘not guilty’ sa nagdaang 20 buwan.

“Mahalaga ang mga pangyayaring ito,” ang sabi ng abogadong si Du-jin Oh, na kumatawan na sa maraming lalaki na tumangging magsundalo. Sinabi niya: “Natutuwa akong makita ang pagdami ng desisyong ‘not guilty’ sa hukuman at kamakailan ay mula pa sa isang mataas na hukuman. Sa bawat kaso, inaasahang iaapela ng tagausig ang desisyon, pero dahil sa makikitang pagbabago sa pananaw ng mga hukuman sa South Korea, nakatutok ngayon ang pansin ng marami sa hatol na ilalabas ng Constitutional Court tungkol sa karapatang sumunod sa udyok ng budhi.”

Paghanap ng Solusyon

Inaabangan ng bansa ang desisyon ng Constitutional Court ng South Korea. Pinagtitimbang-timbang ngayon ng kataas-taasang hukumang iyon ang kalayaang sumunod sa udyok ng budhi, na ginagarantiyahan ng konstitusyon, at ang pagpaparusa kaayon ng Military Service Act sa mga gumagamit ng kalayaang iyon salig sa kanilang relihiyosong paniniwala o iba pang paniniwala na dahilan ng pagtanggi nilang maglingkod sa militar.

Sinabi ni Dae-il Hong, isang tagapagsalita ng mga Saksi ni Jehova: “Libo-libong pamilya sa South Korea ang naghihintay ng isang solusyon na rerespeto sa relihiyosong paniniwala ng mga kabataang lalaki na determinadong huwag kumilos nang labag sa kanilang budhi. Umaasa kami na ang desisyon ng Constitutional Court ay magbibigay-dangal sa mga lalaking ito.”