NOBYEMBRE 27, 2012
SOUTH KOREA
Ginunita ang Sandaang Taon ng mga Saksi ni Jehova sa Korea
SEOUL, Korea—Ang Nobyembre 2012 ay isang espesyal na buwan para sa mahigit na 100,000 Saksi ni Jehova sa South Korea, habang inaalaala nila ang kanilang ika-100 anibersaryo sa bansa. Ginunita ito ng mga Saksi sa pamamagitan ng kampanya ng pamamahagi ng tract, o leaflet, sa publiko. Itinampok ng makulay at apat-na-pahinang leaflet ang maikling kasaysayan ng mga Saksi ni Jehova sa South Korea at ang kanilang kasalukuyang mga gawain sa komunidad.
Noong 1912, sinimulan ng mga kinatawan ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang pagtuturo ng Bibliya sa mga taga-Korea. Sa ngayon, nakapaglimbag na ang mga Saksi ng halos 700,000 Bibliya sa wikang Koreano, at nagsasagawa sila ng mahigit 70,000 libreng pantahanang pag-aaral sa Bibliya linggu-linggo. Sa mahigit 1,300 kongregasyon sa bansa, ang mga Saksi ay may lingguhang mga sesyon ng pagtuturo sa Bibliya na bukás sa publiko. Matagal na rin silang nagtitipon para sa taunang mga kombensiyon sa Korea, na ang una sa mga ito ay ginanap noong 1954. Ang mga programang ito ay inihaharap sa publiko sa wikang Koreano at mula noong 1997, pati na sa Korean Sign Language. Noong 2009, nagkaroon ng internasyonal na kombensiyon ang mga Saksi ni Jehova sa Seoul na dinaluhan ng mahigit 58,000 katao, kasama na ang 6,500 delegado mula sa 11 bansa. Ang tanggapang pansangay ng mga Saksi sa Seoul ay itinayo noong 1953.
Sinabi ni Dae-il Hong, isang tagapagsalita ng mga Saksi ni Jehova sa Korea: “Ginugunita ng sentinyal na ito ang 100 taon ng paglilingkod namin sa aming kapuwa.” Ipinaliwanag niya: “Naniniwala kami na ang pagsunod sa mga simulain ng Bibliya ay tumutulong sa pagkakaroon ng matibay na pagsasama ng mga mag-asawa, mas maligayang pamilya, at mas matatag na mga komunidad. Tumatanaw kami sa mas marami pang taon ng paglilingkod sa komunidad.”
Media Contacts:
J. R. Brown, Office of Public Information, tel. +1 718 560 5000
Republic of Korea: Dae-il Hong, tel. +82 10 3951 0835