Pumunta sa nilalaman

SOUTH KOREA

Maikling Impormasyon—South Korea

Maikling Impormasyon—South Korea

Mahigit 100 taon na ang mga Saksi ni Jehova sa Korea at malaya sila sa kanilang pagsamba. Ang tanging malaking problema ng mga Saksi sa South Korea ay ang walang-tigil na pagsasampa ng kaso sa mga tumatangging magsundalo dahil sa budhi.

Hindi kinikilala ng South Korea ang karapatan ng mga tumatangging magsundalo dahil sa budhi, at wala silang batas para sa alternatibong serbisyong pansibilyan. Kaya ang mga kabataang Saksi na tumatangging magsundalo ay karaniwan nang nasesentensiyahang mabilanggo nang 18 buwan. Mula 40 hanggang 50 lalaking Saksi ang ibinibilanggo buwan-buwan. Paglaya nila, may problema pa rin dahil may criminal record na sila at lumalabas na iniiwasan nila ang paglilingkod sa militar. Ang isang Saksi ay maaaring mahirapang humanap ng trabaho at mapaharap sa iba’t iba pang problema.

May problema rin ang mga lalaking nakakumpleto na ng sapilitang paglilingkod sa militar pero nang maglaon ay naturuan mula sa Bibliya na ibigin ang kapuwa at huwag makipagdigma. Dahil nasa listahan pa rin sila ng ipinapatawag bilang mga reservist, ang mga lalaking ito ay paulit-ulit na idinedemanda at pinagmumulta dahil sa pagtangging ipagpatuloy ang pagsasanay sa militar.

Ang UN Human Rights Committee ay nagbaba ng mahigit 500 desisyon laban sa South Korea dahil sa paglabag nito sa karapatan ng mga tumatangging magsundalo, at itinuturing na “di-makatuwiran” ang pagbibilanggo sa mga Saksi. Binanggit din doon na ang South Korea ay “obligadong umiwas sa gayong mga paglabag.” Ang paglutas sa isyung ito ay nangangahulugan ng tunay na paggalang sa kalayaan sa budhi at relihiyon sa South Korea.