MAYO 24, 2023
SPAIN
Binigyan ng Spain ang mga Saksi ni Jehova ng Tax Exemption
Noong Abril 26, 2023, inaprobahan ng gobyerno ng Spain na baguhin ang batas nila tungkol sa tax. Maganda ang pagbabagong ito para sa mga Saksi ni Jehova sa Spain.
Dahil dito, may exemption na ang organisasyon natin mula sa pagbabayad ng mga property tax para sa mga teokratikong pasilidad natin sa Spain. Mababawasan din ang tax ng mga indibidwal sa Spain na nagdo-donate para sa gawain natin. Dahil din sa pagbabagong ito, malinaw na ang mga Saksi ni Jehova ay “kilaláng relihiyon,” gaya ng sinasabi ng European Court of Human Rights.
Noong Hunyo 2006, legal na kinilala ng Spain ang mga Saksi ni Jehova bilang relihiyon. Pero hindi sila binigyan ng tax exemption, na ibinibigay sa ibang relihiyon sa bansa. Paulit-ulit na nag-file ng request ang mga kapatid natin doon para sa exemption. At nakakatuwa, noong Abril 24, 2023, inimbitahan ng mga opisyal ng Ministry of the Presidency ang ilang kinatawan ng mga Saksi ni Jehova sa Spain sa isang meeting. Doon, sinabi sa mga kapatid na babaguhin ang tax law para sa mga nonprofit organization, at maaapektuhan nito ang mga Saksi ni Jehova. Pagkatapos ng dalawang araw, noong Abril 26, 2023, inaprobahan na ito ng Congress of Deputies. Magsisimula nang ipatupad ang pagbabago sa batas na ito sa Hunyo 2023.
Masaya tayo sa napakagandang desisyong ito na makakatulong sa kalayaan sa relihiyon ng mga Saksi ni Jehova sa Spain.—Filipos 1:7.