Pumunta sa nilalaman

MAYO 27, 2020
SPAIN

Mag-asawang Saksi sa Spain Tumanggap ng Liham ng Pasasalamat Mula sa Isang Nurse

Mag-asawang Saksi sa Spain Tumanggap ng Liham ng Pasasalamat Mula sa Isang Nurse

Sa panahong ito na may pandemic, sinisikap ng maraming kapatid na matulungang maging positibo ang kapuwa nila sa pamamagitan ng pagliham sa kanila. Si Brother Josué Laporta at ang asawa niyang si Vanessa ay sumulat sa mga pasyente ng COVID-19 at sa mga medical personnel sa isang ospital sa Barcelona, Spain. Sumagot ang isang nurse sa liham nila. Nasa ibaba ang liham niya, at pumayag siyang mailathala ito na may ilang pagbabago. a

Isa akong nurse . . . na sumusulat para kay [inalis ang pangalan], isang 97-anyos na lola. Binasa namin ang liham ninyo sa kaniya ngayong umaga. Hindi lahat ng pasyente ang nadadalhan ng liham sa isang araw, kaya alam kong hindi nagkataon ang liham na ito. Ipinakita ng liham na ito sa dalawang tao, [sa pasyente] at sa akin . . . , na posibleng magkaroon ng pag-asa. Hindi na magtatagal ang buhay [ng pasyente], at sinabi niya sa akin na ayaw niyang mamatay nang hindi ito itinatanong sa iyo, Josué: “Sa edad kong 97, makikinabang pa ba ako sa mga pangakong inihula sa Bibliya?”

Ginugol ko ang sampung minuto ko ngayong umaga para basahin [sa kaniya] ang impormasyong nasa website na binanggit ninyo sa liham. Tuwang-tuwa siya at na-touch. Pagkatapos, pinanood namin ang videong “Bakit Namatay si Jesus?

Binasa ko rin ang magasing [“Gumising!”] tungkol sa stress at nakatulong ito sa akin na makayanan ang sitwasyon natin ngayon. Talagang mahirap ang sitwasyon natin.

Walang makausap na psychologist ang mga healthcare worker dito, pero kahit anong oras, makukuha namin ang impormasyong ibinigay ninyo sa amin. At malaking tulong iyon. Kapag natapos na ang pandemic na ito, puwede ninyo ba akong turuan pa nang higit para maging totoo sa akin ang isang mas magandang mundo sa hinaharap? Talagang nagpapasalamat ako sa Diyos na dumating ang liham ninyo nang araw na iyon, sa oras ng duty ko, at na naihatid ko ito sa kuwarto [ng pasyente].

Sana nasa mabuting kalusugan kayo at ang pamilya ninyo, at sigurado akong nakakatulong sa inyo ang pag-asa ninyo na mas maharap ang sitwasyon ngayon kaysa sa karamihan sa amin. Salamat sa panahon na inilaan ninyo sa mga taong gaya [ng pasyente] at sa akin. Hindi tayo magkakilala, pero pinasaya ninyo kami sa nakalipas na anim na linggo.

Taos-puso akong nagpapasalamat.

Ang mga pasasalamat na gaya nito ay nagpapatibay sa atin na patuloy na mangaral sa panahong ito ng krisis. Dalangin natin na makakapagbigay ng pag-asa sa iba ang mga salitang pinipili natin at ginagamit sa ating ministeryo.—Kawikaan 15:23.

a Ang liham ay isinulat sa Spanish.