HULYO 8, 2016
SRI LANKA
Mga Saksi—Tumulong sa mga Nasalanta ng Matinding Pag-ulan at Baha sa Sri Lanka
COLOMBO, Sri Lanka—Sa gitnang mga burol ng Aranayaka, Sri Lanka, humigit-kumulang 100 kilometro (62 mi) sa labas ng Colombo, kabisera ng bansa, sunod-sunod na mudslide ang rumagasa sa mga nayon, na pumatay ng mahigit 100 katao at nakaapekto sa mga 350,000. Ito ay kasunod ng malalakas na buhos ng ulan sa rehiyon mula noong Mayo 15. Sa kasagsagan ng pag-ulan, 373 milimetro (mga 15 in.) ng ulan ang bumuhos sa bayan ng Kilinochchi sa loob lang ng 24 oras. Tinawag ito ng mga awtoridad na ang pinakamatinding likas na sakunang tumama sa Sri Lanka mula nang magka-tsunami roon noong 2004.
Ayon sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Sri Lanka, walang namatay na Saksi sa sakuna, pero halos 200 ang inilikas. Isang Kingdom Hall, o dako ng pagsamba, sa Kaduwela, mga 15 kilometro (9 mi) mula sa Colombo, ang lumubog sa tubig-baha na may taas na dalawang metro (6 ft).
Kaagad na bumuo ang mga Saksi ng isang disaster relief committee na mangunguna para maasikaso ang pisikal na pangangailangan ng mga biktima at mabigyan sila ng kinakailangang emosyonal at espirituwal na pangangalaga. Isang Kingdom Hall sa Kotahena ang ginamit na imbakan ng mga suplay, gaya ng inuming tubig, damit, at gamot. Daan-daang Saksi na tagaroon ang nagboluntaryo para mamahagi ng mga ito sa kanilang mga kapuwa Saksi at mga kapitbahay.
Sinabi ni Nidhu David, isang tagapagsalita ng mga Saksi ni Jehova sa Sri Lanka: “Patuloy kaming nananalangin para sa maraming pamilya na naapektuhan ng trahedyang ito kamakailan. Kasabay nito, tumutulong kami sa paglilinis ng mga bahay na napinsala ng baha, namamahagi ng pagkain, at nagdo-donate ng mga damit sa mga nangangailangan. Ang pagkabukas-palad at pagiging handang tumulong ng aming mga miyembro ay maningning na liwanag sa madilim na panahong ito.”
Media Contacts:
International: David A. Semonian, Office of Public Information, 1-718-560-5000
Sri Lanka: Nidhu David, 94-11-2930-444