Pumunta sa nilalaman

Kaliwa: Isang gusali sa Khartoum, Sudan, na nawasak dahil sa labanan. Kanan: Lumikas ang isang pamilyang Saksi dahil sa labanan at tinanggap sila ng mga kapatid sa Kosti, Sudan

AGOSTO 3, 2023
SUDAN

Pinatibay ng mga Pulong at Publikasyong Batay sa Bibliya ang Nagsilikas na mga Kapatid sa Sudan Dahil sa Karahasan

Pinatibay ng mga Pulong at Publikasyong Batay sa Bibliya ang Nagsilikas na mga Kapatid sa Sudan Dahil sa Karahasan

Gaya ng mababasa sa isang report sa “News” section ng jw.org noong Mayo 12, 2023, nagkaroon ng mainit na labanan sa pagitan ng dalawang grupo sa Khartoum, na capital ng Sudan. Dahil dito, libo-libo ang nasaktan o namatay. Nagpasiyang lumikas ang ilan sa mga kapatid natin na nakatira sa Khartoum o malapit dito. Habang lumilikas sila, natulungan sila at napatibay ng mga publikasyong batay sa Bibliya at ng mga pulong ng organisasyon ni Jehova.

Si Ajuja (harap na hanay, kaliwa) na dumadalo sa isang pulong ng kongregasyon sa Kassala, Sudan

Halimbawa, ilang araw pagkatapos magsimula ang labanan, dumalo sa virtual meeting si Ajuja, isang 23-anyos na payunir na sister mula sa Khartoum. Tinalakay sa meeting na iyon ang artikulo ng Bantayan na “Panatilihin ang Inyong Katinuan, Maging Mapagbantay!” Sabi niya: “Ipinaalala sa akin ng artikulong ito na katuparan ng mga hula sa Bibliya ang mga nangyayari ngayon. Ito ang pampatibay na kailangan ko nang pagkakataong ’yon.” Habang lumalala ang mga kalagayan, nagpasiyang lumikas si Ajuja. Sinabi niya: “Noong naglalakbay na ako, napatibay din ako ng pakikinig sa mga original song natin at sa iba pang audio recording. Nanalangin ako kay Jehova na sana makarating kami nang ligtas.” Ligtas na nakarating si Ajuja sa Kassala at tinanggap ng mga kapatid.

Patuloy na ipinapangaral ni Eli (gitna) ang mensahe ng pag-asa mula sa Bibliya sa Kosti, Sudan

Si Eli, isang 24-na-taóng gulang na elder at payunir mula sa El Haj Yousif, na malapit sa Khartoum, ang lumikas at naglakbay nang mga 330 kilometro papuntang lunsod ng Kosti. Binigyan siya ng mga kapatid ng pagkain at matutuluyan. Napatunayan ni Eli na naging malaking pampatibay ang mga pang-araw-araw na teksto na binasa niya noong linggong lumikas siya. Halimbawa, ipinaalala sa kaniya ng Awit 91:2 na gawing kanlungan at moog si Jehova. Sinabi ni Eli: “Walang kapayapaan sa magulong mundong ito, at walang gobyerno o lider ng militar ang makakapagbigay ng solusyon sa mga problema natin. Ang Kaharian ng Diyos lang ang tunay na pag-asa natin na lulutas sa lahat ng problema.”

Si Brother Tia at ang asawa niyang si Julia ay mga pioneer mula sa Omdurman, na malapit din sa Khartoum. Noong tumitindi na ang labanan, naalala nila ang artikulo sa Bantayan na nagpapayo sa mga Kristiyano na kumilos ayon sa naging desisyon nila. Dahil lumalala ang sitwasyon sa lunsod, nakita nina Tia at Julia na kailangan na nilang lumikas agad. Nakarating silang ligtas sa ibang lugar, at tinanggap sila ng mga kapatid doon. Nagpapasalamat sina Tia at Julia sa impormasyong natanggap nila sa Bantayan. Sinabi ni Julia: “Mabuti na lang at kasama kami sa maibigin at mapagmahal na organisasyong ito. Talagang hindi maikli ang kamay ni Jehova para magligtas.”

Sina Tia at Julia (kanan) na nagba-Bible study sa mga taong lumikas dahil sa labanan

Nagpatuloy pa rin sa kanilang rutin ng pagsamba kay Jehova ang lahat ng kapatid na nabanggit, kahit nasa ibang lugar na sila. Kasama na dito ang pagdalo sa mga pulong, pangangaral, at pagba-Bible study. Lahat ng ito, pati na ang pagiging malapít sa mga kapatid sa bago nilang kongregasyon, ay nakatulong para maging panatag sila at masaya.

Talagang nakapagpapatibay malaman na ang mga kapatid natin sa Sudan ay laging umaasa kay Jehova at sa Kasulatan para sa lakas at pag-asa.​—Roma 15:4, 5.