Pumunta sa nilalaman

Gusali kung saan isinasagawa ng Supreme Administrative Court ng Sweden ang mga pagdinig

NOBYEMBRE 10, 2020
SWEDEN

Korte ng Sweden—Kinilala na Nakakatulong sa Komunidad ang mga Saksi ni Jehova

Korte ng Sweden—Kinilala na Nakakatulong sa Komunidad ang mga Saksi ni Jehova

Mula pa noong Enero 1, 2000, ang gobyerno ng Sweden ay nagbibigay na ng pondo sa mga relihiyosong organisasyon sa ilalim ng Support for Religious Communities Act. Ang pondo ay ipinagkakaloob lang sa mga relihiyosong grupo na “tumutulong para mapanatili at mapatibay ang mga prinsipyo at paniniwala na mahalaga para sa pagkakaisa ng lipunan” at na “matatag at malaki ang nagagawa para sa komunidad.”

Maraming relihiyon ang pinagkakalooban ng pondo ng gobyerno ng Sweden. Pero mula noong 2007, paulit-ulit na tinatanggihan na pagkalooban ng pondo ang mga Saksi ni Jehova dahil sa pagiging neutral sa politika.

Walang magawa ang mga kapatid kaya tatlong beses silang lumapit sa korte para hilingin na maging patas ang gobyerno ng Sweden. At sa bawat pagkakataon, sinasabi ng Supreme Administrative Court na ang desisyon ng gobyerno ng Sweden na huwag pagkalooban ng pondo ang ating organisasyon ay labag sa batas at dapat baguhin.

Sa wakas, noong Oktubre 24, 2019, binago ng gobyerno ng Sweden ang desisyon nito at sinabing naaabot ng mga Saksi ni Jehova ang “lahat ng kahilingan ng batas” at pagkakalooban na sila ng pondo.

Ganiyan din ang nangyari sa Norway kung saan nagbibigay ng pondo ang gobyerno sa lahat ng relihiyon, pati na sa mga Saksi ni Jehova. Pero nitong mga nakaraang buwan, kinuwestiyon kung karapat-dapat tumanggap ng pondo mula sa gobyerno ang mga Saksi ni Jehova dahil sa pagiging neutral sa politika. Kaya naman, nagbigay ang mga kapatid sa mga opisyal ng Norway ng tamang impormasyon tungkol sa ating pagiging neutral. Nagbigay rin sila ng mga kopya ng desisyong pabor sa mga Saksi ni Jehova, mula sa Supreme Administrative Court ng Sweden at ng iba pang korte sa Germany at Italy.

Natutuwa tayo na noong Nobyembre 18, 2019, nagdesisyon ang gobyerno ng Norway na patuloy na pagkalooban ng pondo ang mga Saksi ni Jehova. Sinabi nila: “Ang pagboto sa panahon ng eleksiyon ay isang mahalagang karapatan ng mga mamamayan ng Norway, pero hindi isang obligasyon. Ang hindi paggamit sa karapatang ito ay waring bahagi ng paniniwala ng mga Saksi ni Jehova, . . . pero nakita [ng gobyerno] na . . . hindi ito matibay na basehan para hindi pagkalooban ng pondo ang mga Saksi ni Jehova.”

May kinalaman sa mga desisyong ito, sinabi ni Brother Dag-Erik Kristoffersen, mula sa sangay sa Scandinavia: “Natutuwa tayo na kinikilala ng gobyerno na may nagagawa tayong mabuti para sa komunidad. Umaasa tayo na ang desisyong ito ay isasaalang-alang ng ibang bansa na may ganito ring kaayusan.” Higit kaninuman, nagpapasalamat tayo kay Jehova, ang ating Kataas-taasang Tagapagbigay-Batas.—Isaias 33:22.