OKTUBRE 2, 2019
TAJIKISTAN
Ang 68-Anyos na si Brother Shamil Khakimov ay Sinentensiyahan ng mga Awtoridad sa Tajikistan na Makulong Nang Pito at Kalahating Taon
Noong Setyembre 10, 2019, si Brother Shamil Khakimov ay sinentensiyahan ng Khujand City Court sa Tajikistan na makulong nang pito at kalahating taon dahil lang sa pagbabahagi ng pananampalataya niya sa iba. Umaapela ang mga Saksi ni Jehova sa kasong ito.
Nagsimula ang matinding pagsubok kay Brother Khakimov noong unang bahagi ng 2019. Noong Pebrero 26, inaresto ang 68-anyos na si Shamil dahil diumano sa “panunulsol ng pagkakapootan sa relihiyon.” Pagkatapos, kahit walang paglilitis ay ipinabilanggo na siya at tumagal iyon nang anim na buwan. Si Brother Khakimov ay pinapahirapan din ng alta presyon at nagpapagaling pa sa ibang sakit.
Ito ang unang pagkakataon na may nakulong na Saksi ni Jehova sa Tajikistan mula noong 2017, nang ibilanggo ang 18-anyos na si Daniil Islamov dahil sa pagtangging magsuot ng unipormeng pangmilitar. Isa na ang Tajikistan sa limang bansa kung saan may isa o higit pang Saksi ni Jehova na nakabilanggo. Ang apat na iba pa ay Eritrea, Russia, Singapore, at Turkmenistan.
Dalangin naming patuloy na ibigay ni Jehova kay Brother Khakimov ang lahat ng kailangan niya para makapagtiis.—Roma 15:5.