Pumunta sa nilalaman

Si Brother Shamil Khakimov bago ikulong noong Pebrero 2019

MARSO 4, 2021
TAJIKISTAN

Hihilingin ng United States Commission on International Religious Freedom na Palayain si Brother Shamil Khakimov na Nakakulong sa Tajikistan

Hihilingin ng United States Commission on International Religious Freedom na Palayain si Brother Shamil Khakimov na Nakakulong sa Tajikistan

Noong Pebrero 24, 2021, sinabi ni USCIRF a Commissioner Nury Turkel na tutulungan niyang mapalaya ang 70-taóng-gulang na si Brother Shamil Khakimov bilang bahagi ng Religious Prisoners of Conscience Project ng USCIRF. Sa pahayag, sinabi ni Commissioner Turkel: “Mula 2019, tinitiis ng may-sakit at may-edad na lalaking ito ang luma at siksikang bilangguan dahil sa di-makatarungang hatol na pito-at-kalahating-taóng pagkabilanggo. Ang parusang ito ay posibleng ikamatay ng isang tao na di-makatarungang ikinulong dahil sa mapayapang pagsasagawa ng kaniyang relihiyosong paniniwala bilang isang Saksi ni Jehova.”

Si Brother Khakimov, biyudo, ay isa sa 24 na Saksi sa gawing hilaga ng Tajikistan na pinagtatanong ng mga opisyal ng Department of Organized Crime Control (DOCC) noong Enero at Pebrero 2019. Inaresto ng DOCC si Brother Khakimov at pinagtatanong kung paano inoorganisa ang mga Saksi ni Jehova at kung paano siya naging isang Saksi.

Idinitine si Brother Khakimov nang walong oras at hindi binigyan ng panggagamot na kailangan sana niya pagkatapos ng isang operasyon. Mataas din ang blood pressure niya. Nang sa wakas ay iuwi na siya ng mga pulis sa bahay niya, kinumpiska nila ang mga gadyet niya, Bibliya, mga kopya ng ating mga publikasyon sa pag-aaral ng Bibliya, at passport. Dahil wala sa kaniya ang passport niya, hindi makuha ni Brother Khakimov ang pensiyon niya na gagamitin niya para sa panggagamot pagkatapos ng operasyon.

Noong Pebrero 28, 2019, nagdesisyon ang isang hukom sa Khujand City Court na ilagay sa pretrial detention si Brother Khakimov. Tatlong beses itong na-extend. Nakaditine siya sa buong panahon ng imbestigasyon at paglilitis.

Noong Setyembre 10, 2019, nahatulan siyang nagkasala at nasentensiyahan ng pito-at-kalahating-taóng pagkabilanggo. Pero noong Hulyo 4, 2020, sinabi kay Brother Khakimov ng administrasyon sa bilangguan na bibigyan siya ng amnestiya, kaya mababawasan ng 2 taon, 3 buwan, at 10 araw ang sentensiya sa kaniya. Nakaiskedyul siyang palayain sa Mayo 16, 2024.

Alam natin na patuloy na tutulungan ni Jehova ang mga kapatid natin na matiyaga at may kagalakang nagtitiis.​—Awit 20:2.

a United States Commission on International Religious Freedom