Pumunta sa nilalaman

Si Brother Rustamjon Norov (ikalawa mula sa kaliwa) kasama ang nanay niya na si Fariza; ang kapatid niya na si Ravshan; at ang tatay niya na si Batyr, habang bumibisita sa sangay sa Kyrgyzstan noong 2016

OKTUBRE 27, 2020
TAJIKISTAN

Kabataang Brother na si Rustamjon Norov, Posibleng Mabilanggo Nang Hanggang Limang Taon sa Tajikistan

Kabataang Brother na si Rustamjon Norov, Posibleng Mabilanggo Nang Hanggang Limang Taon sa Tajikistan

Iskedyul ng Paghatol

Ibababa ng korte ng militar sa Tajikistan ang hatol * sa kaso ni Brother Rustamjon Norov. Puwede siyang mabilanggo nang dalawa hanggang limang taon dahil sa pagtangging magsundalo udyok ng konsensiya. Mula pa noong Oktubre 1, 2020, nasa kustodiya na siya ng mga opisyal.

Profile

Rustamjon Norov

  • Ipinanganak: 1998 (Dushanbe)

  • Maikling Impormasyon: Nagre-renovate ng mga apartment at nagre-repair ng furniture para suportahan ang sarili at pamilya niya. Mahilig mag-soccer

  • Nabautismuhan siya noong 2016 sa edad na 17. Pagkalipas ng dalawang taon, lumipat siya ng kongregasyon. Dati niyang kasama ang pamilya niya sa isang kongregasyon na nagsasalita ng Russian. Pero ngayon, sumusuporta siya sa isang kongregasyon na nagsasalita ng Tajik

Kaso

Noong 2016, nagreport si Brother Rustamjon Norov sa isang local conscription office. Ipinaliwanag niya na neutral siya at humiling ng alternatibong serbisyong pansibilyan. Ginawa niya ulit ito nang sumunod na taon. Hinangaan at nirespeto ng isang mataas na opisyal ng militar ang paliwanag ni Brother Norov. Sa sumunod na tatlong taon, hindi na siya ipinatawag para sa sapilitang paglilingkod sa militar.

Pero noong Setyembre 24, 2020, ipinatawag si Brother Norov sa district conscription office. Tatlong oras siyang pinagtatanong ng mga opisyal at sinabi na kaya niyang maglingkod sa militar. Pinilit siyang magpa-medical. Nakita iyon ng tatay ni Brother Norov at hiniling sa mga opisyal na ipasa sa prosecutor’s office ang kaso ng anak niya.

Noong Oktubre 1, nagreport si Brother Norov at ang tatay niya sa prosecutor’s office. Nagpatawag ng pulis ang prosecutor para samahan sila sa district conscription office. Pagkarating nila, hindi pinapasok ang tatay ni Brother Norov. Idinitine si Brother Norov nang dalawang araw. Hindi pa siya nakakasuhan o nalilitis. Habang nakaditine, hindi siya pinayagang makipag-usap sa abogado niya.

Noong Oktubre 3, inilipat si Brother Norov sa military unit sa siyudad ng Khujand, mga 300 kilometro ang layo mula sa pamilya niya sa Dushanbe. Pagkalipas ng dalawang araw, inilipat naman siya sa iba pang militar unit sa Khujand.

Noong Oktubre 6, pinayagan na si Brother Norov na tumawag sa pamilya niya at makipag-usap sa abogado niya. Pero noong Oktubre 17, iniutos ng korte ng militar sa Tajikistan na ikulong siya bago pa man litisin. Mananatili siya sa bilangguan habang patuloy ang imbestigasyon at hanggang hindi pa nagbababa ng hatol ang korte. Inakusahan si Brother Norov ng pamemeke ng resulta ng medical niya para makaiwas sa paglilingkod sa militar.

Kahit nakakulong, positibo pa rin si Brother Norov at buo pa rin ang tiwala niya kay Jehova. Nagpapasalamat siya sa tulong ni Jehova dahil napatibay niya ang pananampalataya niya at nagkaroon siya ng lakas ng loob na kailangan niya para sa kasong ito. Nagpapasalamat din siya naihanda siya ng pagsubok na dumating noong 2013. Noong taóng iyon, sapilitang kinuha ng lokal na awtoridad si Brother Norov at ang nakababata niyang kapatid na si Ravshan, mula sa paaralan at dinala sila sa military recruiting office para ipa-medical. Si Rustamjon ay 15 taóng gulang lang noon—wala pa sa kahilingang edad para sa pagmimilitar—at isang di-bautisadong mamamahayag. Pagkatapos ng pangyayaring ito, tinulungan sila ng tatay nila na si Batyr, sa mga family worship para makapanindigan sila sa kanilang neutralidad. Madalas na nagkukunwaring opisyal ng militar si Batyr, at ipinagtatanggol naman nila ang kanilang pananampalataya.

Sinabi ni Rustamjon: “Bago kami mag-family worship, akala ko handa na ’kong ipagtanggol ang pananampalataya ko. Pero no’ng nagsisimula na kami, bigla akong kinabahan at natakot. Naisip ko na kailangan kong manalangin at mag-aral pa tungkol sa mga paniniwala at paninindigan ko sa pagiging neutral. Unti-unting nawala ang takot ko. Noong unang mga buwan ng 2016, nag-alay ako kay Jehova at nagpabautismo.”

Pinayuhan din si Rustamjon na makisama sa may-edad at matured na mga brother na nabilanggo na dahil sa pananampalataya nila. Sinabi niya: “Alam ko na kapag nanatili akong neutral, marami akong magiging problema. Kapag ikinulong ako, ituturing kong karangalan na pabanalin ang pangalan ni Jehova sa ‘bagong teritoryo.’”

Sinabi ng tatay ni Rustamjon: “Nagpapasalamat ang pamilya ko kay Jehova dahil binigyan niya kami ng pagkakataong gawin ang kalooban niya at na magpagamit sa kaniya. Para sa aming espirituwal na pamilya, ‘ramdam namin ang pag-ibig n’yo, panalangin, at suporta sa emosyonal at espirituwal na paraan.’ Hindi kami nag-aalala. Nasa puso namin ang kapayapaan ng Diyos, gaya ng ipinangako ni Jehova sa kaniyang Salita!”—Filipos 4:6, 7.

^ Hindi laging nagbibigay ng notice para sa petsa ng paghatol ng korte