Pumunta sa nilalaman

Si Brother Shamil Khakimov na binabati ng mga kapatid paglabas niya ng bilangguan

MAYO 16, 2023
TAJIKISTAN

Pinalaya Na Mula sa Bilangguan sa Tajikistan ang 72-Taóng Gulang na si Brother Shamil Khakimov

Pinalaya Na Mula sa Bilangguan sa Tajikistan ang 72-Taóng Gulang na si Brother Shamil Khakimov

Noong Mayo 16, 2023, pinalaya na mula sa bilangguan sa Tajikistan si Brother Shamil Khakimov. Nakauwi na siya ng bahay matapos makulong nang mahigit apat na taon dahil sa pananampalataya niya.

Bago pa siya maaresto noong 2019, si Shamil ay high blood, at may sakit sa puso at iba pang sakit. Kahit maysakit siya, hindi siya binigyan ng tamang paggamot na kailangan niya habang nakabilanggo. Kaya lumala ang sakit niya, at nagkaroon pa nga siya ng gangrene sa kaniyang binti at paa.

Pero kahit napakahirap ng kalagayan niya sa bilangguan, nanatiling positibo si Shamil. Lagi niyang iniisip ang mga teksto mula sa Salita ng Diyos.

Sinalubong ng mga kapatid si Shamil sa labas ng bilangguan. May mga hawak silang karatula na nagsasabing “Shamil, Mahal Ka Namin!”

Sa mga panalangin niya, madalas na binabanggit ni Shamil ang pananalita sa Awit 141:8: “Ang mga mata ko ay nakatingin sa iyo, O Kataas-taasang Panginoong Jehova. Sa iyo ako nanganganlong.” Nakatulong din sa kaniya ang Isaias 49:13, 16, na nagsasabing makasagisag na “inukit” ni Jehova sa palad Niya ang mga pangalan ng mga lingkod Niyang nagdurusa. Kaya sigurado si Shamil na kahit nakakulong siya, hinding-hindi siya kakalimutan ni Jehova.

Dahil sa mga tekstong ito mula sa Salita ni Jehova, nananatiling masaya si Shamil at napapatibay pa nga niya ang iba. Sinabi ng isang brother na regular na dumadalaw kay Shamil noong nasa bilangguan pa ito: “Noong unang beses kong tinawagan si Shamil, inisip ko na napakalungkot niya. Pero ang tibay pala ng pananampalataya niya. Positibo siya sa kabila ng lahat ng nangyari sa kaniya. At madalas pa nga niya kaming pinapatibay.”

Sinasabi sa Panaghoy 3:25: “Mabuti si Jehova sa umaasa sa kaniya, sa taong patuloy na humahanap sa kaniya.” Dalangin natin na patuloy na magiging “mabuti” si Jehova kay Shamil at sa iba pang kapatid natin na masayang nagtitiis sa Tajikistan.