PEBRERO 3, 2022
TAJIKISTAN
UN Committee: Nilabag ng Tajikistan ang Karapatang Pantao ni Brother Tierri Amedzro
Noong Disyembre 14, 2021, hinatulan ng United Nations Human Rights Committee ang Tajikistan dahil nilabag nito ang karapatang pantao ni Brother Tierri Amedzro nang ipaaresto siya at ipa-deport sa Kazakhstan.
Sinabi ng komite na ang pag-aresto ay “di-makatuwiran” at labag sa International Covenant of Civil and Political Rights ng UN. Sinabi rin ng komite na hindi puwedeng hadlangan ng gobyerno ng Tajikistan si Tierre na umuwi sa Tajikistan kung gusto niya. Ang mga opisyal ng Tajikistan ay “obligadong gawin ang lahat ng magagawa nila para hindi na maulit pa ang paglabag na ito sa karapatan ng isang tao.”
Ni-raid ng mga awtoridad ng Tajikistan ang isang bahay kung saan nagpupulong ang mga Saksi ni Jehova noong Oktubre 4, 2018. Inaresto ng mga awtoridad si Tierri at pinagtatanong sa headquarters ng Tajikistan State Committee on National Security. Noong Oktubre 16, 2018, hinatulan ng hukom si Tierri sa maling paratang na pandarayuhan nang walang legal na permiso. Si Tierri ay isang mamamayan ng Russia na nagtatrabaho sa Tajikistan.
Pinagmulta ng hukom si Tierri at ipina-deport sa Kazakhstan.
“Sana makatulong ang desisyon ng komite ng UN para magkaroon ng higit na kalayaan sa pagsamba sa Tajikistan at masamba ng mga kapatid si Jehova nang may kapayapaan ng isip,” ang sabi ni Tierri.
Sa kasalukuyan, may isang brother na nakakulong sa Tajikistan dahil sa kaniyang pananampalataya.
Nagtitiwala tayo na patuloy na bibigyan ni Jehova ng kapayapaan ang ating mga kapatid na nagtitiis ng mga pagsubok.—Isaias 26:3.