Pumunta sa nilalaman

SETYEMBRE 17, 2013
TANZANIA

Karapatang Pantao ng mga Estudyanteng Saksi, Ipinagtanggol ng Pinakamataas na Korte ng Tanzania

Karapatang Pantao ng mga Estudyanteng Saksi, Ipinagtanggol ng Pinakamataas na Korte ng Tanzania

DAR ES SALAAM, Tanzania—Noong Hulyo 12, 2013, nagkakaisang pinagtibay ng Court of Appeal ng Tanzania, pinakamataas na korte ng bansa, na nilabag ng mga paaralan sa rehiyon ng Mbeya ang kalayaan sa relihiyon ng 127 estudyanteng pinatalsik sa paaralan o dinisiplina dahil sa pagtangging umawit ng pambansang awit udyok ng budhi.

Noong 2007, pinatalsik ng Shikula School Board ang limang kabataang Saksi dahil sa pagtangging umawit ng pambansang awit. Dinisiplina rin ng mga paaralang primarya at sekundarya sa rehiyon ang 122 iba pang kabataang Saksi sa gayunding dahilan. Lumapit ang 127 estudyante sa mga opisyal ng kagawaran ng edukasyon at sa punong ministro, pero hindi sila pinakinggan. Kaya naman, umapela sila sa High Court ng Tanzania, ang ikalawang pinakamataas na korte sa bansa. Sinuportahan ng High Court ang pagpapatalsik, bagaman hindi sang-ayon ang ilang hukom nito. Kaya noong Disyembre 2, 2010, dumulog na sa Court of Appeal ang mga estudyante. Ayon sa mga dokumento ng korte, “binabale-wala at ibinabasura” ng Court of Appeal ang desisyon ng High Court at pinawawalang-bisa ang anumang resulta nito.

Sinabi ni Zadok Mwaipwisi, isang tagapagsalita ng mga Saksi ni Jehova sa Tanzania: “Natuwa kami sa desisyon ng korte at sa suportang ipinakita nito sa paninindigan ng mga kabataang iyon. Pinatutunayan ng tagumpay na ito ang konstitusyonal na karapatan, hindi lang ng mga Saksi ni Jehova, kundi ng lahat ng mamamayan ng Tanzania, pagdating sa kalayaan sa relihiyon.”

Media Contacts:

International: J. R. Brown, Office of Public Information, tel. +1 718 560 5000

Tanzania: Zadok Mwaipwisi, tel. +255 22 2650592