AGOSTO 20, 2019
THAILAND
Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan—Inilabas sa Laotian
Inilabas ng mga Saksi ni Jehova sa wikang Laotian ang Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa isang panrehiyong kombensiyon na idinaos sa Nong Khai, Thailand, noong Agosto 16, 2019. Inilabas ito ni Brother Plakorn Pestanyee, miyembro ng Komite ng Sangay sa Thailand, sa unang araw ng kombensiyon.
Natapos ng isang grupo ng tatlong tagapagsalin ang proyektong ito sa loob ng isa’t kalahating taon. Sinabi ng isa sa kanila: “Sa saling ito, mababasa ang mensahe ng Bibliya sa pang-araw-araw na wikang ginagamit ng mga Laotian, pero hindi nagbago ang orihinal na mensahe kaya matutuklasan pa rin ng mga estudyante ng Bibliya ang ‘malalim na karunungan ng Diyos.’”—Job 11:7.
Mayroon itong mga pantulong sa pag-aaral, gaya ng indise, na makakatulong sa mga mambabasa na mahanap ang espesipikong mga teksto, at glosari, kung saan ipinapaliwanag ang ilang ekspresyon sa Bibliya. Sinabi pa ng isang tagapagsalin: “Kapag ginamit namin ang Bibliyang ito sa pagtuturo, mas madaling maiintindihan ng mga estudyante ang mahahalagang punto at tatagos ito sa puso nila, kaya mas matututuhan nilang mahalin si Jehova.”
Nakakatiyak tayong makakatulong ang Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa mga kapatid nating nagsasalita ng Laotian para sila ay “maging lubos na may kakayahan, na handang-handa para sa bawat mabuting gawa.”—2 Timoteo 3:16, 17.