HUNYO 28, 2023
THAILAND
Hindi Inaasahang mga Pagpapala Dahil sa Pansamantalang Paghinto ng Construction sa Sangay sa Thailand
Nagsimula ang construction at renovation project sa sangay sa Thailand noong 2019. Maraming lokal at internasyonal na mga volunteer ang tumulong sa proyektong ito. Pero nang magsimula ang COVID-19 pandemic, bumalik sa kani-kanilang bansa ang lahat maliban sa 8 sa 50 international construction worker. Nang nabawasan ang mga restriksiyon dahil sa COVID-19, itinuloy ang proyekto. Inanyayahan ang karagdagang mga boluntaryo doon na tumanggap ng pagsasanay at tumulong para matapos ang proyekto. Natapos ang huling bahagi ng proyekto noong Abril 30, 2023.
Kasama si Brother Setthasat Tawansirikul at ang asawa niyang si Waraporn sa mga lokal na boluntaryo. Nag-aalala sila noong una dahil wala silang sapat na karanasan. Sinabi ni Setthasat: “Pagdating namin doon, tumanggap kami ng mahusay na pagsasanay.”
Dahil sa kagalakan at kasiyahan sa paggawa sa proyektong ito, marami ang napatibay na mag-apply sa iba pang uri ng buong-panahong paglilingkod. Tumutulong na ang ilan ngayon sa mga construction project sa teritoryo ng sangay sa Thailand. May isang sister na nag-aaral sa School for Kingdom Evangelizers. Naglilingkod naman sa Bethel ang iba. Isa si Brother Rapeepat Woradetsakul sa mga bagong miyembro ng pamilyang Bethel. Sabi niya: “Dahil nakita ko ang tulong ni Jehova sa construction project, nagkaroon ako ng lakas ng loob na tanggapin ang paanyayang maglingkod sa Bethel. Sigurado akong tutulungan ako ni Jehova sa bago kong atas na ’to.”
Kasama sa construction at renovation project sa sangay sa Thailand ang renovation ng mga residence at office, pagtatayo ng bagong maintenance at storage building, pati na ng bagong parking area. Bumili rin ng anim na apartment malapit sa tanggapang pansangay at ni-renovate para gawing karagdagang mga residence building para sa pamilyang Bethel.
Masaya tayo dahil kusang-loob na ibinigay ng mga kapatid natin sa Thailand ang kanilang sarili para maglingkod kay Jehova. Naging totoo sa kanila ang sinasabi sa Awit 34:8: “Subukin ninyo si Jehova at makikita ninyong mabuti siya.”