MAYO 20, 2024
THAILAND
Ipinakita ng mga Saksi sa Isang International Book Fair sa Bangkok Kung Paano Makakatulong ang Bibliya sa Mental na Kalusugan
Mula Marso 28 hanggang Abril 8, 2024, ginanap ang Ika-22 Bangkok International Book Fair sa Bangkok, Thailand. Idinaos ito sa Queen Sirikit National Convention Center, kung saan mga dalawang milyon ang nagpunta. Nag-set up ang mga kapatid ng isang booth na nagpapakita sa mga payo ng Bibliya tungkol sa mental na kalusugan at pagharap sa stress. Maraming nakausap ang mga kapatid na nagboluntaryo, at 34 ang humiling ng Bible study.
Sa isang pag-uusap, sinabi ng isang lalaki na may matinding depresyon ang anak niyang babae. Ipinakita ng mga kapatid ang iba pang impormasyong makikita sa Bantayan Blg. 1 2023 na “Mental na Kalusugan—Tulong Mula sa Bibliya.” Tinulungan din ng mga brother ang lalaki na makita ang iba pang impormasyon sa jw.org tungkol sa masayang buhay pampamilya. Sobra siyang nagpapasalamat sa praktikal na payo mula sa Bibliya at sinabing plano niyang sabihin ito kaagad sa anak niyang babae.
Pumunta ang isang mataas na opisyal ng gobyerno sa ating booth at matagal na nakipag-usap sa isa sa mga brother. Pagkatapos panoorin ang ilang video mula sa jw.org, nagtanong ang opisyal tungkol sa mga Saksi ni Jehova at tungkol sa ating gawaing pagtuturo ng Bibliya. Napansin niya ang sign na nag-aalok ng libreng pag-aaral sa Bibliya. Nagtanong ang opisyal, “Paano ba mag-aral ng Bibliya?” Ipinakita sa kaniya ng brother ang brosyur na Masayang Buhay Magpakailanman at kung paano ito pinag-aaralan. Pumayag ang lalaki na makapag-usap ulit sila ng mga brother sa ibang pagkakataon.
Matapos ipakita ng isang sister ang ating website sa isang babae at maikling ipaliwanag ang ating gawaing pangangaral, nagtanong ang babae: “Bukod dito, ano pang mga ginagawa ninyo?” Ipinapanood ng sister ang video na Ano ang Nangyayari sa Kingdom Hall? Pinanood mabuti ng babae ang video. Pagkatapos, sinabi niya: “Parang ang babait at ang sasaya ng mga dumadalo sa mga pulong ninyo! Gusto ko ring dumalo.” Nang sumunod na linggo, nagbiyahe ang babae nang dalawang oras para dumalo sa pulong.
Nagpapasalamat tayo na sinamantala ng ating mga kapatid sa Bangkok ang pagkakataon na tulungan ang iba na maranasan din ang “kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan.”—Filipos 4:7.