Pumunta sa nilalaman

PEBRERO 24, 2020
THAILAND

Libo-libo ang Napangaralan Dahil sa Espesyal na Kampanya sa Thailand

Libo-libo ang Napangaralan Dahil sa Espesyal na Kampanya sa Thailand

Mula noong Disyembre 1, 2019 hanggang Enero 31, 2020, ang mga kapatid na mula sa mga kongregasyon at grupo na nagsasalita ng Thai sa 11 bansa ay nagpunta sa Thailand para sa espesyal na kampanya ng pangangaral. May mga 4,800 mamamahayag na nagsasalita ng Thai sa bansa. Ang layunin ng kampanya ay tulungan sila na mapangaralan ang mga taong nagsasalita ng Thai sa loob at palibot ng Bangkok. Ang mahigit 600 mamamahayag na sumali sa kampanya ay gumugol ng 34,625 oras, nakapagbigay ng 32,718 publikasyon, nakapagpanood ng 6,637 video, at nakapagpasimula ng 310 Bible study.

Ito ang ikalawang kampanya ng pangangaral sa Thailand sa nakalipas na dalawang taon. Pagkatapos ng unang kampanya, na ginawa noong Disyembre 2018 hanggang Enero 2019, sinabi ni Brother Plakorn Pestanyee, miyembro ng Komite ng Sangay sa Thailand: “Hindi namin inaasahan na ganito karaming Bible study ang mapapasimulan, pati na ang positibong epekto nito sa mga kongregasyon dito.” Dahil sa magandang resulta nito, nagsaayos ang sangay ng ikalawang kampanya.

Nitong nakalipas na kampanya, hindi agad umuwi ang ilang mamamahayag na bumisita mula sa ibang bansa para mas marami silang matulungan na makilala si Jehova. Isang mag-asawa na taga-Korea ang nagplano na manatili sa Thailand nang isang buwan. Nang makita nila na marami ang interesado, nagpasiya sila na manatili ng dalawa pang linggo. Isa pang sister na taga-Korea, na nag-resign sa kaniyang trabaho para makasama sa kampanya, ang nagpasiya naman na lumipat na sa Thailand.

Napakabunga ng kampanyang ito. Isang babae ang nakausap ng mag-inang Saksi sa kaniyang opisina. Sa una nilang pagdalaw, binigyan nila ang babae ng Gumising! Blg. 2, 2019, na may pamagat na “Anim na Aral na Dapat Ituro sa mga Anak.” Nang bumalik sila, masaya silang binati ng babae habang ikinakaway ang magasing iniwan nila sa kaniya. Sinabi ng babae: “Ang ganda ng magasing ’to! Gusto ko pang matuto.” Isinaayos ng mga mamamahayag na makipag-aral sa babae isang beses sa isang linggo kapag lunch break niya. Tinulungan din nila ang babae na i-download ang JW Library app. Ngayon, dalawang beses na siyang nagba-Bible study sa isang linggo, at ipinapapanood niya ang mga video gaya ng whiteboard animation sa kaniyang mga anak.

Isa pang mamamahayag ang may nakausap na isang babae na humahanga sa paraan ng pananamit at pagiging palakaibigan ng mga Saksi. Ikinuwento ng babae na nagpupunta siya sa mga simbahan para magkaroon ng kaibigan, pero wala siyang mahanap. Niyaya siya ng mamamahayag na dumalo sa pulong sa araw ding iyon. Dumalo ang babae, at natuwa siyang makipagkilala sa mga kapatid na mula sa iba’t ibang kultura at pinagmulan. Nakipag-Bible study siya gamit ang brosyur na Magandang Balita Mula sa Diyos! at gustong-gusto niyang dumalo.

Isang babae na mga 50 anyos ang nakilala ng isang sister sa Bang Na, isa sa mga distrito ng Bangkok. Sinabi ng babae na kahit nagsisimba siya, wala siyang Bibliya. Tinulungan siya ng sister na i-download ang JW Library app at ang Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan. Nang balikan ng mga kapatid ang babae, sinabi nito na binabasa niya ang Bibliya gamit ang bagong download na app. Ipinakita nila sa babae ang mga tanong na nasa likod ng brosyur na Magandang Balita at binasa nila ang lahat ng tanong. Sinabi ng babae na gusto niyang malaman ang sagot sa lahat ng tanong na iyon. Napasimulan nila ang Bible study, at ngayon, ipinagpapatuloy iyon ng isang sister na tagaroon. Tuwang-tuwa ang babae sa Bible study kasi siya na mismo ngayon ang nagre-research tungkol sa Diyos.

Habang nagbabahay-bahay, nakausap ng isang sister ang isang lalaking tagaroon at ang asawa nito na mula sa Laos. Tinanong ng sister kung ano ang pinakamahalagang bagay sa buhay nila. “Pamilya,” ang sagot nila. Pagkatapos, ipinakita sa kanila ng sister ang aralin tungkol sa pamilya na nasa brosyur na Magandang Balita Mula sa Diyos! Sinabi ng mag-asawa na napakapraktikal ng mga payo na nandoon, kaya nagpa-Bible study sila. Di-nagtagal, dumalo sila sa pulong. Sinabi nila na natutuwa sila kasi napakabait ng mga taong nandoon at gusto nilang dumalo ulit.

Ipinapakita ng mga ito at ng iba pang karanasan mula sa kampanya sa Thailand na sa mga huling araw na ito, ang bayan ni Jehova ay “laging maraming ginagawa para sa Panginoon.”—1 Corinto 15:58.