Pumunta sa nilalaman

HUNYO 11, 2014
TÜRKIYE

Pinaboran ng European Court of Human Rights ang Apat na Tumangging Magsundalo sa Turkey Dahil sa Budhi

Pinaboran ng European Court of Human Rights ang Apat na Tumangging Magsundalo sa Turkey Dahil sa Budhi

Noong Hunyo 3, 2014, nagkaisa ang European Court of Human Rights sa kanilang pasiya na nilabag ng Turkey ang European Convention * nang ipakulong nito ang apat na Saksi ni Jehova sa Turkey dahil sa pagtangging magsundalo udyok ng budhi. Tumanggi sina Çağlar Buldu, Bariş Görmez, Ersin Ölgün, at Nevzat Umdu na magsundalo dahil sa kanilang relihiyosong mga paniniwala. Sinabi sa hatol ng ECHR: “Ang paghihigpit na ginawa laban sa mga umapela . . . ay isang paghadlang na hindi dapat sa isang demokratikong lipunan ayon sa Article 9 ng Convention.”

Noong Marso 17, 2008, umapela sa Korte ang apat na Saksi (Buldu and Others v. Turkey) laban sa pamahalaan ng Turkey, na sinasabing hindi iginalang ng Turkey ang kanilang kalayaan sa relihiyon nang paulit-ulit sila nitong idinemanda at ibinilanggo dahil sa pagtangging magsundalo. Sa kabuuan, mahigit 30 ulit silang ipinatawag at mahigit anim na taóng ikinulong sa mga bilangguan at mga kampo ng militar.

Sinabi ng hatol ng ECHR: “Ang pagtanggi ng mga umapela, na mga Saksi ni Jehova, na magsundalo dahil sa budhi ay isa ngang kapahayagan ng kanilang relihiyosong mga paniniwala. Sigurado ang Korte na ang paulit-ulit na pagkulong sa mga umapela, . . . pati na ang posibilidad na magkaroon ng walang-katapusang pagsasampa ng mga kasong kriminal, . . . ay katumbas ng paghadlang sa karapatan nila na malayang ipahayag ang kanilang relihiyon na sinusuportahan ng Article 9 ng Convention.”

Bari Görmez

Ito ang ikatlong hatol laban sa Turkey tungkol sa isyu ng pagtanggi dahil sa budhi, kasunod ng pasiya ng ECHR pabor kay Feti Demirtaş noong 2012 at kay Yunus Erçep noong 2011. Bukod pa ito sa pasiya ng UN Human Rights Committee noong 2012 pabor sa dalawa pang Saksi sa Turkey, sina Cenk Atasoy at Arda Sarkut, na tumanggi ring magsundalo dahil sa budhi.

Sa Europe, ang kauna-unahang panalo sa isyung ito ay nangyari noong Hulyo 7, 2011, nang ibaba ng Grand Chamber ng ECHR ang pasiya nito sa Bayatyan v. Armenia. Sa unang pagkakataon, nakita ng ECHR na pinoprotektahan ng Article 9 ng European Convention ang mga tumatangging magsundalo dahil sa budhi. Saklaw ng desisyong ito ang lahat ng estadong miyembro ng Council of Europe. Ang pasiya sa Bayatyan, ang tatlong pasiya ng ECHR laban sa Turkey, at ang iba pang katulad na pasiya ng ECHR ay umoobliga sa Turkey at iba pang estadong miyembro na muling suriin ang kanilang pagtrato sa mga tumatanggi dahil sa budhi at baguhin ang kanilang batas ayon sa iginagarantiya ng Convention.

Sinabi ni James E. Andrik, isa sa mga abogado ng apat na umapela: “Bagaman walang nakakulong na Saksi ngayon sa Turkey dahil sa pagtanggi udyok ng budhi, patuloy na idinedemanda ng pamahalaan ang mga kabinataang Saksi na tumatangging magsundalo dahil sa budhi. Umaasa kami na ang kamakailang pasiya sa Buldu and Others v. Turkey ay magpapakilos sa pamahalaan ng Turkey na igalang ang napakahalagang karapatan ng tao sa kalayaan ng budhi.”

^ par. 2 Article 3, pagbabawal sa pagpapahirap at di-makatao o mapanghamak na pagtrato; Article 6, karapatan para sa patas na pagdinig; Article 9, karapatan sa kalayaan ng pag-iisip, budhi at relihiyon.