Pumunta sa nilalaman

MARSO 11, 2013
TÜRKIYE

Budhi ng Mamamayan, Dapat Igalang ng Turkey—UN

Budhi ng Mamamayan, Dapat Igalang ng Turkey—UN

Milyon-milyong Kristiyano ang tumatangging magsundalo​—at ang pasiyang ito ay iginagalang sa maraming bansa. Ayon sa desisyon ng UN Human Rights Committee, may gayon ding karapatan ang mga mamamayan ng Turkey.

Sa desisyong ibinaba nito noong Marso 29, 2012, ang Committee ay humatol nang pabor sa dalawang mamamayan ng Turkey na sina Cenk Atasoy at Arda Sarkut. Pareho silang Saksi ni Jehova na tumanggi sa paglilingkod militar dahil sa kanilang relihiyosong paniniwala.

Sina Mr. Atasoy at Mr. Sarkut ay ilang ulit nang nagsumite ng petisyon sa gobyerno para ipaliwanag ang kanilang pagtutol, at nagsabi na handa silang gumawa ng serbisyo sibil na walang kinalaman sa militar. Pero ginipit pa rin silang sumali sa militar. Matapos magbanta ang militar na sasampahan nila ng kasong kriminal ang unibersidad kung saan assistant lecturer si Mr. Sarkut, nawalan siya ng trabaho.

Ayon sa desisyon ng Committee, ang karapatang tumangging maglingkod sa militar udyok ng budhi “ay kasama sa karapatan sa kalayaan ng pag-iisip, budhi at relihiyon,” na ipinahihiwatig sa Article 18 ng International Covenant on Civil and Political Rights. Bukod diyan, ayon sa Committee, ang karapatang ito ay “nagbibigay sa sinumang indibiduwal ng kalayaan na tumanggi sa sapilitang paglilingkod militar kung labag ito sa kaniyang relihiyon o paniniwala.

Inilabas ang pasiyang ito matapos ibaba ang dalawang kaugnay na desisyon ng European Court of Human Rights. Sa isa sa mga pasiyang iyon, sinabi ng Korte na “ang kawalan ng alternatibo sa paglilingkod militar sa Turkey ay paglabag sa karapatang tumutol udyok ng budhi” na ginagarantiyahan ng European Convention on Human Rights.

Ang pagtutol sa paglilingkod militar udyok ng budhi ay kasintanda na ng Kristiyanismo. Sa kaniyang aklat na The Rise of Christianity, isinulat ni E. W. Barnes: “Ipinakikita ng isang maingat na pag-aaral sa lahat ng makukuhang impormasyon na hanggang noong panahon ni Marcus Aurelius [emperador ng Roma mula 161 hanggang 180 C.E.], walang Kristiyano ang naging kawal; at walang kawal, pagkatapos na maging Kristiyano, ang nanatili sa paglilingkod militar.