HUNYO 3, 2016
TÜRKIYE
Nagdesisyon ang European Court of Human Rights na Dapat Kilalanin ng Turkey ang mga Kingdom Hall Bilang mga “Dako ng Pagsamba”
Noong Mayo 24, 2016, pinagtibay ng European Court of Human Rights (ECHR) ang karapatan sa malayang pagsamba ng maliliit na grupo ng relihiyon sa Turkey. Ito ay pagtugon sa mahigpit na pagpapatupad ng gobyerno sa mga batas sa pagsosona (zoning law) na nagiging dahilan para hindi opisyal na kilalanin ang mga Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova bilang mga “dako ng pagsamba.”
Napatunayan ng ECHR na ang batas sa pagsosona ng Turkey ay nagpapahintulot na kilalaning mga “dako ng pagsamba” ang malalaking gusali pero hindi ang mga gusali na angkop sa mas maliliit na grupo ng relihiyon. Sa gayon, hinihigpitan ng Turkey ang mga Saksi sa kanilang malayang pagsamba at nilalabag ang Article 9 ng European Convention on Human Rights. * Binanggit ng desisyon na ginagamit ng mga awtoridad ang batas sa pagsosona para “magpataw ng mga kahilingang naghihigpit, o nagbabawal pa nga, sa pagsasagawa [ng pagsamba] ng minoryang mga denominasyon, isa na rito ang mga Saksi ni Jehova.”
Ginigipit ng Batas sa Pagsosona ang Maliliit na Grupo ng Relihiyon
Ang mga Saksi ni Jehova ay nakarehistro sa Turkey bilang isang relihiyosong samahan at maraming taon na nilang sinisikap na mapagkalooban ng opisyal na pagkilala ang mga Kingdom Hall bilang mga “dako ng pagsamba” sa ilalim ng batas sa pagsosona. Gayunman, palaging tinatanggihan ng mga awtoridad sa Turkey ang kahilingan nila.
Yamang hindi makakuha ng wastong pagsosona ang mga Saksi, ang kanilang 25 Kingdom Hall sa Turkey ay laging nanganganib na ipasara ng mga awtoridad dahil sa umano’y hindi pagsunod sa batas sa pagsosona. Mula noong Agosto 2003, ilang beses nang isinara ng mga awtoridad ang mga Kingdom Hall sa Mersin at Akçay. Sa distrito ng Karşıyaka sa İzmir, ayaw kilalanin ng mga awtoridad ang Kingdom Hall bilang dako ng pagsamba. May kaugnayan sa mga Kingdom Hall sa Mersin at İzmir ang desisyon ng ECHR noong Mayo 24.
Bago 2003, ang batas sa pagsosona ng Turkey tungkol sa mga dako ng pagsamba ay espesipikong isinulat para sa pagtatayo ng mga moske. Noong panahong iyon, hindi pinipigilan ng lokal na mga awtoridad ang mga Saksi na magtipon sa pribadong mga lugar. Gayunman, bilang pagsunod sa mga pamantayan sa Europa tungkol sa hindi pagtatangi at kalayaan sa pagsamba, inamyendahan ng Turkey ang Zoning Law No. 3194 noong 2003. Isa sa mga pagbabago ang paggamit ng terminong “dako ng pagsamba” kapalit ng “moske” at ang pag-uutos sa lokal na mga munisipalidad na maglaan ng lupa para sa mga gusaling gagamitin sa pagsamba.
Batay sa ginawang mga amyenda, ang maliliit na grupo ng relihiyon ay binigyan ng karapatang magtayo at magkaroon ng sarili nilang mga dako ng pagsamba. Pero ang totoo, itinatakda ng mga regulasyon sa pagsosona ang pagkakaroon ng malalaking espasyo na angkop sa maraming miyembro at ang disenyo ng gusali na angkop sa pagsamba ng mga Muslim.
Hadlang sa Karapatang Magkaroon ng mga “Dako ng Pagsamba” ang Mahigpit na Pagpapatupad ng Batas
Bukod diyan, hindi naglalaan ang lokal na mga awtoridad ng mga lote na angkop sa mas maliliit na dako ng pagsamba at tinatanggihan nila ang kahilingan ng mga Saksi na baguhin ang pagsosona. Kapag umaapela ang mga Saksi, ginagamit ng matataas na hukuman at ng iba pang mga awtoridad ang mga batas sa pagsosona at ayaw kilalanin ang mga Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova bilang mga “dako ng pagsamba.”
Sa Mersin at Akçay, mahigpit na ikinapit ng lokal na mga awtoridad ang bagong batas at ipinasara ang mga Kingdom Hall doon dahil hindi nila ito kinikilalang mga “dako ng pagsamba.” Nang humiling ang mga Saksi ng ibang lugar para sa pagsamba, sinabi ng mga awtoridad na walang lugar na itinakda sa sona para sa gayong layunin.
Ganito ang sitwasyon sa buong Turkey. Hinahadlangan nito ang mga Saksi ni Jehova at ang iba pang mas maliliit na grupo ng relihiyon na magkaroon ng mga lugar na legal na kikilalaning dako ng pagsamba. Sa kasalukuyan, 46 na beses nang tinanggihan ng mga awtoridad ng gobyerno sa 27 iba’t ibang munisipalidad sa Turkey ang kahilingan ng mga Saksi ni Jehova na mapagkalooban sila ng lugar na pormal na kikilalanin bilang dako ng pagsamba. Bukod diyan, ang kanilang mga kongregasyon ay hindi binibigyan ng eksemsiyon sa pagbabayad ng buwis, kuryente, tubig, at iba pa na ibinibigay para sa kinikilalang mga dako ng pagsamba.
Umapela ang mga Saksi sa ECHR
Bago dumulog sa ECHR, ginawa ng mga Saksi ni Jehova ang lahat ng legal na pamamaraang posible sa loob ng bansa. Hindi kailanman ipinagkaloob ng Council of State, ang pinakamataas na administratibong hukuman sa bansa, ang kahilingan ng mga Saksi ni Jehova na legal na kilalanin ang kanilang mga Kingdom Hall bilang mga dako ng pagsamba sa ilalim ng batas ng pagsosona at pinawalang-bisa pa nga nito ang paborableng desisyon ng isang trial court.
Dahil dito, ang mga Saksi ni Jehova ay nagsumite ng dalawang aplikasyon sa ECHR noong 2010 at 2012, na humihiling sa Korte na suriin kung nilalabag ng Turkey ang European Convention on Human Rights. Kaayon ng dati nitong mga desisyon, idiniin ng ECHR na ang mga batas sa pagsosona ay mahalagang magbigay ng probisyon para magkaroon ng itinalagang mga dako ng pagsamba ang maliliit na komunidad ng relihiyon.
Binanggit ng ECHR na “napakahirap para sa isang maliit na relihiyosong komunidad gaya ng mga Saksi ni Jehova na matugunan ang mga pamantayan ng sinusuring batas para magkaroon ng isang angkop na lugar para sa kanilang pagsamba.” Bilang pagtatapos, sinabi ng ECHR: “Hindi isinaalang-alang ng lokal na mga hukuman ang espesipikong mga pangangailangan ng isang maliit na komunidad ng mga mananamba. . . . Dahil sa maliit na bilang ng miyembro, hindi kailangan ng mga Saksi ni Jehova ang isang gusali na may espesipikong arkitektura kundi, sa halip, isang simpleng silid na mapagtitipunan nila para sumamba, magtipon, at magturo ng kanilang mga paniniwala.”
Kinumpirma ng desisyon na hinadlangan ng Turkey ang pagsamba ng mga Saksi ni Jehova sa hindi nito pagkilala sa kanilang mga Kingdom Hall bilang mga “dako ng pagsamba.” Sinabi ni Ahmet Yorulmaz, presidente ng Association in Support of Jehovah’s Witnesses in Turkey: “Tuwang-tuwa kami sa desisyong ito ng ECHR. Inaasahan namin na kikilalanin na ngayon ng gobyerno ng Turkey ang aming mga Kingdom Hall bilang mga dako ng pagsamba at uutusan ang lokal na mga awtoridad na gamitin ang batas sa pagsosona sa paraang makakakuha kami ng mga lugar ng pagsamba sa hinaharap. Sa pagpapatupad ng desisyong ito, gagawin ng Turkey ang isa pang hakbang para suportahan at lubusang protektahan ang kalayaan sa pagsamba.”
Aalisin Ba ng Turkey ang Diskriminasyong Dahil sa Relihiyon?
Unti-unting bumuti ang legal na katayuan ng mga Saksi ni Jehova sa Turkey sa nagdaang dekada. Noong 2007, inirehistro ng mga awtoridad sa Turkey ang isang relihiyosong samahan para sa mga Saksi ni Jehova * pagkatapos silang pagkaitan ng karapatang ito nang mahigit 70 taon.
Nagpapasalamat ang mga Saksi ni Jehova na may ginagawa ang Turkey para tiyaking malaya sa pagsamba ang mga mamamayan nito. Inaasahan nila na dahil sa desisyon ng ECHR kamakailan, itataguyod ng Turkey ang karapatan sa malayang pagsamba, na ginagarantiyahan ng Konstitusyon ng Turkey at ng internasyonal na batas. Umaasa ang mga Saksi na susundin ng Turkey ang desisyon ng ECHR, kikilalanin ang kanilang 25 Kingdom Hall sa kasalukuyan bilang mga “dako ng pagsamba” at papayagan silang magkaroon ng mga dako ng pagsamba na kakailanganin nila sa hinaharap.
^ par. 3 Ang Article 9 ay tungkol sa karapatan sa “kalayaan ng pag-iisip, budhi, at relihiyon.”
^ par. 19 Ang Association in Support of Jehovah’s Witnesses in Turkey ay itinatag noong Hulyo 31, 2007.