Maikling Impormasyon—Turkey
Mayroon nang mga Saksi ni Jehova sa Turkey mula pa noong 1931. Dumanas sila ng pag-uusig hanggang sa huling bahagi ng dekada ng 1980. Nang sumunod na mga taon, naging maluwag na ang gobyerno at pinahintulutan na nito ang mga Saksi sa kanilang pagsamba. Gayunman, ayaw pa rin nitong tanggapin ang kanilang aplikasyon para sa legal na pagpaparehistro. Noong Hulyo 2007, nagbago ang sitwasyon nang paboran ng mga korte sa Turkey ang mga Saksi ni Jehova at legal na mairehistro. Malaya na ngayong nagtitipon ang mga Saksi para sumamba at naisasagawa na nila ang kanilang relihiyosong gawain.
Pero hindi pa rin kinikilala ng gobyerno ng Turkey ang karapatan ng isang mamamayan na tumangging magsundalo dahil sa budhi. Sa loob ng maraming taon, ang mga Saksi ni Jehova na tumatangging magsundalo dahil sa budhi ay napapaharap sa paulit-ulit na pagtawag bilang reservist, pag-uusig, malalaking multa, at pagkabilanggo. Mula noong 2011, tatlong desisyon na ang naibaba ng European Court of Human Rights (ECHR) pabor sa mga Saksi, at noong 2012, pinaboran din ng UN Human Rights Committee ang mga Saksi may kinalaman sa usaping ito. Sa kabila nito, patuloy pa ring inuusig ng Turkey ang mga kabataang lalaking Saksi na tumatangging magsundalo.
Noong 2003, binago ng Turkey ang batas sa pagsosona na magpapahintulot sa mga minoryang di-Muslim na magtayo at magkaroon ng sariling dako ng pagsamba. Pero palaging tumatanggi ang munisipyo at ang lokal na mga korte na kilalaning “dako ng pagsamba” ang mga Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova. Dalawang kaso sa usaping ito ang nakabinbin sa ECHR.