PEBRERO 8, 2021
TURKMENISTAN
Brother Artur Yangibayev, Sinentensiyahang Mabilanggo sa Ikalawang Pagkakataon Dahil sa Pagtangging Magsundalo Udyok ng Konsensiya
Hatol
Noong Enero 18, 2021, sinentensiyahan ng isang korte sa Turkmenistan si Brother Artur Yangibayev ng dalawang-taóng pagkabilanggo dahil sa pagtangging magsundalo udyok ng konsensiya. Ito ang ikalawang beses na nasentensiyahan siya dahil sa pananatiling neutral.
Profile
Artur Yangibayev
Ipinanganak: 1997 (Seydi)
Maikling Impormasyon: Maraming naranasang problema si Artur noong bata pa siya kaya naisip niya kung bakit laganap ang kawalang-katarungan. Itinanong niya ito sa kapatid niyang babae, na isang Saksi ni Jehova. Dahil dito, nagsimula siyang mag-aral ng Bibliya sa edad na 13. Nabautismuhan siya noong 2014
Nagtatrabaho si Artur sa construction, sa pagre-renovate ng mga apartment. Ayon sa mga magulang niya, isa siyang mabait at responsableng anak. Iginagalang siya sa komunidad dahil sa pagiging tapat niya
Kaso
Noong Agosto 8, 2016, ibinilanggo si Artur nang hindi pa nalilitis dahil sa pagtangging magsundalo udyok ng konsensiya. At noong Agosto 30, sinentensiyahan siya ng dalawang-taóng correctional labor. Pinalaya siya noong Setyembre 2018 matapos ang sentensiyang ito.
Noong Disyembre 15, 2020, ipinatawag ulit siya para magsundalo. Pagkatapos nito, pinagtatanong siya ng prosecutor at ipinasulat sa kaniya kung bakit tumatanggi siyang magsundalo.
Noong Disyembre 30, ipinaalam sa kaniya ng prosecutor na sinampahan siya ng isang kasong kriminal. Kinumpiska rin ang passport niya.
Sinabi ni Artur noong una siyang masentensiyahan, “Napatibay ako ng Roma 8:37-39 na walang sinumang makakasira ng katapatan ko kay Jehova.” Alam natin na sa tulong ni Jehova, matitiis din ni Artur ang pagsubok na ito.