ENERO 22, 2021
TURKMENISTAN
Brother Ihlosbek Rozmetov, Muling Hinatulan na Mabilanggo Dahil sa Pagtangging Magsundalo Udyok ng Konsensiya
Hatol
Hinatulan ng isang civil court sa Turkmenistan si Brother Ihlosbek Rozmetov noong Enero 19, 2021. Sinentensiyahan siya na mabilanggo nang dalawang taon sa isang bilangguan na high security dahil sa pagtanggi niyang magsundalo udyok ng konsensiya. Ito ang ikalawa niyang pagkabilanggo dahil sa kaniyang neutralidad.
Profile
Ihlosbek Rozmetov
Ipinanganak: 1997 (Andalib)
Maikling Impormasyon: Mayroon siyang dalawang kapatid. Mula noong 10 taóng gulang siya, nagtatrabaho siya pagkatapos ng klase para makatulong sa pamilya. Mahilig siyang maglaro ng sports, magbasa ng mga aklat, at makinig sa musika. Nagsimulang mag-aral ng Bibliya ang nanay niya noong 2010, at nag-aral na rin siya makalipas ang isang taon
Kaso
Noong Hulyo 11, 2018, si Ihlosbek Rozmetov, sa edad na 20, ay sinentensiyahan ng isang-taóng pagkabilanggo sa labor camp sa Seydi dahil sa pagtangging magsundalo udyok ng konsensiya. Pinalaya siya matapos ang kaniyang sentensiya. Sa batas ng Turkmenistan, puwede siyang makasuhan nang dalawang beses dahil sa pagtangging magsundalo udyok ng konsensiya.
Noong Nobyembre 25, 2020, ipinatawag ulit si Ihlosbek para magsundalo. Magalang niyang ipinaliwanag ang paniniwala niya bilang Kristiyano. Pero nagsampa pa rin ng kasong kriminal ang awtoridad laban sa kaniya, at mas matagal ang sentensiyang ipinataw sa kaniya dahil pangalawang beses na siyang tumatangging magsundalo udyok ng konsensiya.
Sinabi ni Ihlosbek na “sobrang hirap” ang dinanas niya sa unang pagkabilanggo niya. Pero natulungan siya ng mga teksto sa Bibliya na binasa at isinaulo niya bago siya mabilanggo. Malaki ang naitulong kay Ihlosbek ng pagbubulay-bulay sa Filipos 4:6, 7. Ipinaalala sa kaniya nito na ‘huwag mag-alala sa anumang bagay,’ manalangin para sa “kapayapaan ng Diyos,” at manatiling kalmado kahit sa ganoon kahirap na sitwasyon. “Nang mga panahong iyon, lagi akong nananalangin kay Jehova at nadama ko na nandiyan lang siya sa tabi ko,” ang sabi ni Ihlosbek.
Nakakatiyak tayo na patuloy na papalakasin ni Jehova si Ihlosbek at ang lahat ng umaasa sa Kaniya.—Isaias 40:29-31.