ENERO 28, 2021
TURKMENISTAN
Brother Maksat Jumadurdyyev, Muling Ibinilanggo Dahil sa Pagtangging Magsundalo Udyok ng Konsensiya
Hatol
Noong Enero 18, 2021, hinatulan ng korte sa Turkmenistan si Brother Maksat Jumadurdyyev. Sinentensiyahan siyang mabilanggo nang dalawang taon dahil sa pagtangging magsundalo udyok ng konsensiya.
Profile
Maksat Jumadurdyyev
Ipinanganak: 2000 (Seydi, Lebap Region)
Maikling Impormasyon: May dalawang kapatid na babae. Matalinong estudyante. Mahilig sa sports. Mahusay sa drawing at painting. Kilala sa lugar nila na mapagpakumbaba, tapat, at masipag
Nagsimulang mag-aral ng Bibliya noong 2018. Nabautismuhan noong 2019. Nag-iisang Saksi ni Jehova sa pamilya
Kaso
Nabilanggo na nang isang taon si Brother Maksat Jumadurdyyev dahil sa pagtangging magsundalo udyok ng konsensiya. Pinalaya siya noong Hulyo 17, 2019. Pero dahil dalawang beses puwedeng kasuhan sa Turkmenistan ang mga tumatangging magsundalo udyok ng konsensiya, ipinatawag ulit siya noong Marso 2020 para magsundalo. Nag-file siya ng statement na nagsasabing tumatanggi siyang magsundalo kahit alam niya na puwede siyang mabilanggo sa ikalawang pagkakataon.
Ilang beses din siyang ipinatawag ng awtoridad para pagtatanungin at magpa-medical exam. Pagkatapos, noong Disyembre 30, 2020, sinabi kay Maksat na isang panibagong kasong kriminal laban sa kaniya ang binuksan. Kinumpiska rin ang passport niya.
Napakahirap ng naging unang pagdinig at pagkabilanggo niya. “Nang mabilanggo ako noong 2018,” ang sabi ni Maksat, “ang pinakamahirap para sa akin ay ang mapalayo sa mga magulang ko. . . . Dahil hindi Saksi ni Jehova ang mga magulang ko, sinabi nila na kung tatanggi akong magsundalo, wala akong maaasahang suporta mula sa kanila.”
Sinabi ni Maksat: “Nakatulong sa akin ang Marcos 10:29, 30 para maging masaya ako kahit malayo ako sa pamilya ko at mga kaibigan. Sinabi ni Jesus na kung may mawala sa atin alang-alang sa kaniya at sa mabuting balita, tatanggap tayo ng isang daang ulit.”
Noong nakabilanggo siya, laging nakikita ni Maksat na dinirinig agad ni Jehova ang mga panalangin niya at tinutulungan siya sa mahihirap na sitwasyon. Madalas na naaalala ni Maksat ang sinasabi sa Josue 1:9: “Lakasan mo ang loob mo at magpakatatag ka. Huwag kang masindak o matakot, dahil kasama mo si Jehova na iyong Diyos saan ka man magpunta.”
Bago ang ikalawang pagdinig sa kaso niya, ipinakita ni Maksat na determinado siyang sundin ang kaniyang konsensiyang sinanay sa Bibliya. Sinabi niya: “Kahit mabilanggo ako ulit, tiwala ako na tutulungan ako ni Jehova anuman ang mangyari. Nakatulong sa akin ang Filipos 4:6, 7 na manatiling kalmado at malakas ang loob.”
Patuloy nating ipinapanalangin si Brother Maksat at ang iba pang kabataang brother na buong tapang na naninindigan sa soberanya ni Jehova. Sigurado tayo na gagantimpalaan ni Jehova ang katapatan ng mga kapatid natin na nakabilanggo.—Apocalipsis 2:10.