Pumunta sa nilalaman

Si Brother Nazar Alliyev

PEBRERO 11, 2021
TURKMENISTAN

Brother Nazar Alliyev, Nahatulan ng Isang-Taóng Pagkabilanggo Dahil sa Pagtangging Magsundalo Udyok ng Konsensiya

Brother Nazar Alliyev, Nahatulan ng Isang-Taóng Pagkabilanggo Dahil sa Pagtangging Magsundalo Udyok ng Konsensiya

Hatol

Noong Pebrero 10, 2021, hinatulan ng isang korte sa Turkmenistan si Brother Nazar Alliyev at sinentensiyahan siya ng isang-taóng pagkabilanggo dahil sa pagtangging magsundalo udyok ng konsensiya.

Profile

Nazar Alliyev

  • Ipinanganak: 2000 (Lebap Region)

  • Maikling Impormasyon: Nakatira sa Türkmenabat kasama ang nanay niya at dalawang kapatid. Mahilig sa volleyball at soccer. Na-diagnose na may dalawang sakit sa puso. Nagtatrabaho bilang barbero para makatulong sa pamilya

    Itinuro sa kaniya ng nanay niya ang mga prinsipyo sa Bibliya. Nabautismuhan noong 2015 sa edad na 14. Kilala na masayahin, mapagbigay, at mapagpakumbaba. Suportado ng pamilya niya ang desisyon niya na manatiling neutral

Kaso

Noong Mayo 16, 2020, ipinatawag si Brother Nazar Alliyev para magsundalo. Pinilit siya ng mga opisyal na magsuot ng uniporme ng sundalo para ipakita na isa na siyang sundalo, pero tumanggi siya. Noong Mayo 28, ipinatawag ulit ng mga opisyal si Nazar at tumanggi ulit siya na magsundalo. Nang sumunod na buwan, sumulat si Nazar sa district enlistment office para ipaliwanag ang mga paniniwala niya.

Noong Enero 4, 2021, pumunta si Nazar at ang nanay niya sa opisina ng prosecutor ng Khojambaz district. Ipinaliwanag ni Nazar kung bakit siya tumatangging magsundalo at nakiusap na gumawa ng alternatibong serbisyo. Pero sinabi ng imbestigador na magsasampa ng kaso ang mga awtoridad laban sa kaniya.

Sinabi ni Nazar, na ngayon ay 20 taóng gulang na: “Kapag nagtiwala ka kay Jehova sa ganitong mga sitwasyon, talagang magiging payapa ka. Kaya makakapanatili kang kalmado.”

Sinabi pa niya: “Kapag inaalala ko ang mga nangyari, nakikita ko na lagi akong sinusuportahan ni Jehova. Kaya sigurado ako na tutulungan din niya ako sa hinaharap.”

Hindi nagbibigay ang Turkmenistan ng alternatibong serbisyong pansibilyan. Kaya ang mga kabataang brother na tumatangging magsundalo udyok ng konsensiya ay nabibilanggo nang hanggang dalawang taon. Sa ngayon, 15 kabataang brother ang nakabilanggo sa Turkmenistan dahil sa kanilang neutralidad.

Alam natin na patuloy na “magiging tapat” si Jehova kay Nazar at sa iba pang kabataang brother sa Turkmenistan.—Awit 18:25.