Pumunta sa nilalaman

Si Brother Ruslan Artykmyradov

ENERO 11, 2021
TURKMENISTAN

Brother Ruslan Artykmyradov, Puwedeng Mabilanggo Ulit Dahil sa Pagtangging Magsundalo Udyok ng Konsensiya

Brother Ruslan Artykmyradov, Puwedeng Mabilanggo Ulit Dahil sa Pagtangging Magsundalo Udyok ng Konsensiya

Iskedyul ng Paghatol

Malapit a nang ibaba ng korte ng militar sa Turkmenistan ang hatol nito kay Brother Ruslan Artykmyradov. Puwede siyang mabilanggo nang hanggang dalawang taon dahil sa pagtangging magsundalo udyok ng konsensiya. Nasa custody na siya mula pa noong Disyembre 15, 2020. Ito ang ikalawang pagkakataon na puwede siyang mabilanggo dahil sa kaniyang neutralidad.

Profile

Ruslan Artykmyradov

  • Ipinanganak: 2000 (nayon ng Alpan Gengeshlik)

  • Maikling Impormasyon: Laking-probinsiya. Nagtatrabaho bilang mekaniko. Matalinong estudyante at mahilig maglaro ng soccer

    Natutuhan ang mga prinsipyo sa Bibliya mula sa kaniyang nanay. Humanga siya sa pagkakaisa at pag-ibig ng mga Saksi ni Jehova at nabautismuhan noong 2015 sa edad 15. Dahil sa pag-ibig sa Diyos na Jehova, tumanggi siyang magsundalo

Kaso

Noong Agosto 13, 2018, si Brother Ruslan Artykmyradov, sa edad na 18, ay sinentensiyahan ng isang-taóng pagkabilanggo dahil sa pagtangging magsundalo. Matapos ang sentensiya, pinalaya siya noong Agosto 12, 2019.

Sa batas ng Turkmenistan, puwedeng makasuhan nang dalawang beses ang mga kabataan dahil sa pagtangging magsundalo udyok ng konsensiya. Kaya noong Nobyembre 2020, ipinatawag ulit si Ruslan para magsundalo.

Muling tumanggi si Ruslan kahit alam niya na puwede siyang mabilanggo sa ikalawang pagkakataon. Inaresto siya noong Disyembre 15, 2020 at ibinilanggo sa isang pretrial detention facility habang hinihintay ang pagdinig sa kaso niya.

Desidido si Ruslan na manatiling tapat kay Jehova. Ikinuwento niya ang karanasan niya noong una siyang humarap sa korte: “Hindi ako natakot kahit alam kong mahihirapan ako at hindi magiging patas ang hatol sa akin. Hinding-hindi ko ipagpapalit kahit sa anumang bagay ang kagalakan ko at kaugnayan kay Jehova.”

Napakahirap ng naging buhay ni Ruslan sa bilangguan. Hindi maganda ang kalagayan sa bilangguan, at madalas siyang minamaltrato. Pero kahit ganoon, nadama ni Ruslan ang tulong ni Jehova. Sinabi niya: “Noong nasa bilangguan ako, alam kong sinusuportahan ako ni Jehova. Halimbawa, kapag binubugbog ako, y’ong unang suntok lang ang nararamdaman ko, at hindi ko na nararamdaman ang sakit ng sumunod na mga suntok nila.” Ang pag-ibig na ipinakita ng mga Saksi ni Jehova sa bansa ni Brother Ruslan ay hindi lang nakapagpalakas sa kaniya, kundi nagsilbi ring patotoo sa mga taong nakapaligid sa kaniya.

Kahit na puwede siyang mabilanggo sa ikalawang pagkakataon, buo pa rin ang tiwala ni Ruslan na tutulungan siya ni Jehova. Ipinaliwanag niya: “Sigurado ako na gagantimpalaan ako ni Jehova. . . . Kung saan may matibay na pag-asa, may walang-hanggang kagalakan; kung saan may kagalakan, may pagtitiis at lakas. At ang isang taong malakas ay hinding-hindi matitinag.”

Nagpapasalamat tayo sa halimbawa ni Ruslan at ng iba pang mga kabataan na malalakas ang loob dahil tumutulong ito para lalong tumibay ang pagtitiwala natin na tutulungan tayo ni Jehova na maharap ang pagsubok nang may tapang at kagalakan. Alam natin na gagantimpalaan ni Jehova ang kanilang di-natitinag na katapatan sa Kaharian ng Diyos.—Hebreo 11:6.

a Hindi laging ipinapaalám kung kailan ang petsa ng paghatol ng korte.