AGOSTO 7, 2020
TURKMENISTAN
Korte sa Turkmenistan, Sinentensiyahan Sina Brother Eldor at Sanjarbek Saburov ng Dalawang-Taóng Pagkabilanggo
Noong Agosto 6, 2020, sinentensiyahan ng isang korte sa Turkmenistan sina Brother Eldor at Sanjarbek Saburov ng dalawang-taóng pagkabilanggo pagkatapos nilang tumangging magsundalo dahil sa kanilang konsensiya. Si Eldor ay 21 taong gulang at 25 naman si Sanjarbek. Hindi pinahintulutan ng korte na umapela ang magkapatid. Ito ang ikalawang pagkakataon na nabilanggo sila dahil sa neutralidad nila.
Noong 2016, magalang na tumanggi si Brother Sanjarbek Saburov na magsundalo. Dahil dito, nasentensiyahan siya ng dalawang-taóng probation.
Nang sumunod na taon, tumanggi ring magsundalo ang nakababata niyang kapatid na si Eldor. Nasentensiyahan si Eldor nang dalawang-taon na correctional labor, at ang 20 porsiyento ng sahod niya ay napunta sa Estado.
Ayon sa batas ng Turkmenistan, ang mga tumatangging magsundalo dahil sa kanilang konsensiya ay puwedeng masampahan ulit ng kasong kriminal kung tatanggi pa rin silang magsundalo. Noong Abril 2020, ipinatawag ulit ang magkapatid para magsundalo. Pero tumanggi ulit sila. Sinampahan sila ng kasong kriminal, hinatulan, at ibinilanggo.
Napakasakit sa kalooban ng mga magulang nila na nakulong sila. Pero hindi lang iyan—apektado rin sila sa pinansiyal. Hindi na gaanong makapagtrabaho ang tatay nila dahil may problema ito sa likod. Kaya nagtatanim ng bulak ang magkapatid para masuportahan ang pamilya. Ngayong nakakulong na sila, wala nang maaasahan sa pinansiyal ang mga magulang nila. Sa halip, ang mga magulang pa nila ang kailangang sumuporta sa pangangailangan nila sa bilangguan.
Walang iniaalok na alternatibong serbisyong pansibilyan ang Turkmenistan. Kaya ang mga kapatid na tumatangging magsundalo dahil sa konsensiya ay puwedeng makulong nang isa hanggang apat na taon. Kasama ang magkapatid na Saburov sa 10 kabataang Saksi na nakabilanggo sa Turkmenistan dahil sa neutralidad.
Nagtitiwala tayo na pagpapalain ni Jehova ang mga kapatid natin sa Turkmenistan dahil sa kanilang paninindigan. Lagi sana nilang maalala ang pangako ni Jehova kay Haring Asa: “Magpakatatag kayo at huwag masiraan ng loob, dahil gagantimpalaan ang mga ginagawa ninyo.”—2 Cronica 15:7.