Pumunta sa nilalaman

Si Brother Eziz Atabayev, matapos palayain sa bilangguan

ENERO 14, 2021
TURKMENISTAN

“Nalampasan Ko ang Pagsubok na Ito sa Tulong ni Jehova”

“Nalampasan Ko ang Pagsubok na Ito sa Tulong ni Jehova”

Dahil sa pagtangging magsundalo udyok ng konsensiya, si Brother Eziz Atabayev ay dalawang taóng nabilanggo sa Turkmenistan pero nakapanatili siyang tapat. Pinalaya siya noong Disyembre 19, 2020. Sa nakalipas na 10 taon, 46 na brother ang ibinilanggo sa Turkmenistan dahil sa pagtangging magsundalo udyok ng konsensiya.

Noong 2016, ipinatawag si Brother Atabayev para magsundalo. Tumanggi siyang magsundalo udyok ng konsensiya. Dinala ang kaso niya sa prosecutor’s office. Makalipas ang halos dalawang taon, ipinatawag si Eziz sa korte para sa pagdinig ng kaso niya. At noong Disyembre 19, 2018, hinatulan siya ng dalawang-taóng pagkabilanggo.

Sinabi ni Eziz: “Bago ako mabilanggo, lagi akong nakikipag-usap sa mga brother na kapareho ko ng sitwasyon o sa ibang mga brother na nabilanggo para alam ko kung ano ang aasahan ko. Nagbasa rin ako ng mga talambuhay sa mga publikasyon natin at ng nakakapagpatibay na mga teksto sa Bibliya.

“Noong umaga bago ang pagdinig, ipinabasa sa akin ng isang brother ang Isaias 30:15. Ang sabi doon: ‘Magkakaroon kayo ng lakas kung mananatili kayong panatag at magtitiwala.’ Ang tekstong ito ang nakatulong sa akin na manatiling kalmado at ipaubaya kay Jehova ang lahat ng bagay. Malaki ang naitulong sa akin ng pagbubulay-bulay sa tekstong ito noong panahong nasa bilangguan ako.”

Mahirap ang kalagayan sa bilangguan, pero mas mahirap para kay Brother Eziz na mapalayo sa pamilya niya. “Mas napalapít ako sa mga kapatid na nakabilanggong kasama ko. Mga tunay na kaibigan sila, at tinulungan nila ako na makayanan ang hirap na mapawalay sa pamilya at mga kaibigan.”

Sinamantala rin ni Eziz ang mga panahon na puwede siyang magpatotoo. Sinabi niya: “Noong una, ayaw ng ilang bilanggo na sinasabi ko sa kanila ang paniniwala ko. Pero bandang huli, nakikinig na rin sila. Kapag may mga bagong pasok, ayaw rin ng mga ito na pinapatotohanan sila. Pero kinakampihan ako ng matatagal nang bilanggo at sila pa ang nangangaral sa mga bagong pasok.”

Para maharap natin ang mga pagsubok na darating, sinabi ni Eziz: “Ang maipapayo ko, mahalagang pag-aralan mong mabuti ang Bibliya at laging manalangin. Sabihin mo kay Jehova ang lahat ng ikinakabahala mo, ikinakatakot, at nararamdaman—sabihin mo kay Jehova lahat-lahat.

“Nalampasan ko ang pagsubok na ito sa tulong ni Jehova. Sigurado ako na susuportahan niya ulit ako. Hindi ako natatakot sa darating pang mga pagsubok.”—Awit 118:6.