Pumunta sa nilalaman

NOBYEMBRE 3, 2020
TURKMENISTAN

Pinalaya Na si Brother Petrosov Pagkatapos ng Isang-Taóng Pagkakakulong sa Turkmenistan

Pinalaya Na si Brother Petrosov Pagkatapos ng Isang-Taóng Pagkakakulong sa Turkmenistan

Si David Petrosov, 19 na taóng gulang, ay nakatira sa Turkmenistan. Kahit na kabataan pa lang siya, nasubok na ang kaniyang pananampalataya: isang taon siyang ibinilanggo dahil sa pagtangging magsundalo udyok ng konsensiya. Pinalaya siya noong Setyembre 30, 2020.

Sinabi ni Brother Petrosov: “May mga araw na nalulungkot ako. Pero pinapakalma ako ni Jehova gamit ang kaniyang Salita. Alam ko na naiintindihan ni Jehova ang nararamdaman ko at handa siyang pagaanin ang loob ko, kaya gustong-gusto kong nananalangin sa kaniya. Nakatulong sa akin ang ilang teksto sa Bibliya, pero madalas kong naaalala y’ong nasa Filipos 4:13.”

Ipinanganak si Brother Petrosov sa Ashgabat, kabisera ng Turkmenistan. Natuto siyang tumugtog ng gitara. Mahilig siyang mag-compose ng kanta, at naglalaro siya ng soccer, nagha-hiking, at nagsi-swimming sa mga lawa sa kanilang lugar.

Nakipag-aral siya ng Bibliya sa kaklase niya na isang Saksi ni Jehova at nabautismuhan siya noong 2019. Kahit hindi Saksi ang pamilya niya, nirerespeto pa rin nila ang paniniwala niya.

Pagkatapos mabautismuhan si David, dinala siya sa korte dahil tumanggi siyang maglingkod sa militar. Walang alternatibong serbisyong pansibilyan sa Turkmenistan. Kaya sinentensiyahan siya ng mga awtoridad ng isang-taóng pagkakabilanggo.

Sa loob ng isang taóng iyon, ibinigay ni Jehova ang mga pangangailangan ni Brother Petrosov. “Noong nasa bilangguan ako, ikinukuwento ng nanay ko ang pangungumusta ng mga kapatid na hindi nakakadalaw sa ’kin,” ang sabi ni Brother Petrosov. “Sinabi ni Nanay na laging nananalangin ang mga kapatid para sa akin. Kaya napakasaya ko.”

Alam ni David na ayon sa batas ng Turkmenistan, puwede siyang ipatawag ulit sa militar. Kapag ipinatupad ang batas na ito, malamang na mahatulan siya at mabilanggo nang mas matagal.

Sinabi ni David: “Gaya ng iba, ayaw ko na ulit mabilanggo. Pero hindi ako natatakot. Lumalakas ang loob ko dahil sa pananampalataya ko kay Jehova, at dahil din sa mga kapatid at sa mga Kingdom song natin.”

Nagtitiwala tayo na patuloy na bibigyan ni Jehova si David ng pananampalataya at lakas ng loob. Ipinapanalangin din natin ang 10 pang kapatid sa Turkmenistan na nakabilanggo dahil sa pagtangging magsundalo udyok ng konsensiya. Alam nating naaalala, sinusuportahan, at mahal sila ni Jehova.—Awit 69:33.