Pumunta sa nilalaman

Si Brother Selim Taganov

NOBYEMBRE 24, 2020
TURKMENISTAN

Pinalaya Na si Brother Taganov Matapos Mabilanggo Nang Isang Taon sa Turkmenistan

Pinalaya Na si Brother Taganov Matapos Mabilanggo Nang Isang Taon sa Turkmenistan

“Nang manalangin ako kay Jehova, tinulungan niya akong maging kalmado,” ang sabi ni Brother Selim Taganov nang palayain siya noong Oktubre 3, 2020. Si Selim, 19 anyos, ay nakulong nang isang taon dahil sa pagtangging magsundalo.

Ipinanganak si Selim sa Ashgabat na kabisera ng Turkmenistan. Noong bata siya, mahusay siyang estudyante at nahilig siya sa music. Si Selim ay sumusulat ng mga awit, kumakanta, at tumutugtog ng gitara. Para sa mga magulang, dalawang kapatid na lalaki, at mga kaibigan ni Selim, mabait siya, maalalahanin, at masayahin. Bago ibaba ang hatol kay Selim, sinabi ng abogado niya: “Matinong tao siya. Hindi siya naninigarilyo, naglalasing, at kaka-graduate lang niya sa high school. Kung makukulong siya, sisirain lang nito ang buhay niya.”

Mahirap ang buhay sa bilangguan. Pero sinabi ni Selim: “Noong nasa bilangguan ako, tumibay ang kaugnayan ko kay Jehova. Pinag-iisipan ko y’ong mga natutuhan ko sa Bibliya, at mas naiintindihan ko na ’yon ngayon. Kapag naaalala ko ang mga teksto gaya ng Isaias 41:10, 11, napapatibay ako.

“Habang hinihintay ko ang hatol sa ’kin noong nasa Temporary Detention Facility ako, nahirapan ako kasi wala akong mapagsabihan ng mga gumugulo sa isip ko. Pero nanalangin ako kay Jehova na tulungan ako. Pagkatapos kong manalangin, pinatibay ako ng ibang bilanggo at guwardiya na nananakot sa ’kin noong una. Kaya naramdaman ko talagang tinulungan ako ni Jehova.”

Pinatibay rin ng mga kapatid si Selim. Sinabi niya: “Noong nakabilanggo ako, napatibay ako sa maraming sulat na ipinadala sa akin. Sinubukan kong kabisaduhin ang mga iyon, at inuulit-ulit ko iyon. Gumaan ang pakiramdam ko at napatibay ako.”

Ayon sa batas ng Turkmenistan, puwedeng tawagin ulit si Selim para magsundalo. Kapag nangyari iyan, alam ni Selim na puwede siyang mahatulang mabilanggo nang mas matagal. Pero sinabi niya: “Nakayanan ko ang pagsubok na ito dahil kay Jehova, kaya hindi na ako natatakot sa mga pagsubok na puwede pang dumating. Pinalakas ni Jehova ang loob ko.”

Inaasahan natin na makakaranas din tayo ng pagsubok sa hinaharap. Pero ito ang sinabi ni Selim: “Sa mga makakaranas din ng mga pinagdaanan ko, tandaan ninyo ang sinasabi ng Isaias 30:15: ‘Magkakaroon kayo ng lakas kung mananatili kayong panatag at magtitiwala.’”