DISYEMBRE 9, 2019
TURKMENISTAN
Sinentensiyahan ng Korte sa Turkmenistan si Brother Dovletov na Mabilanggo Nang Tatlong Taon Dahil sa Pagtangging Magsundalo Udyok ng Konsensiya
Noong Nobyembre 12, 2019, hinatulan at sinentensiyahan ng korte sa Turkmenistan si Brother Serdar Dovletov, 26 anyos, na mabilanggo nang tatlong taon. Isa si Brother Dovletov sa 10 brother sa bansang iyon na sinentensiyahang mabilanggo dahil sa pagtangging magsundalo udyok ng konsensiya. Pito ang ibinilanggo ngayong 2019 at tatlo noong 2018. Ang sentensiya sa kanila ay pagkabilanggo nang isa hanggang apat na taon.
Si Brother Dovletov ay mula sa lunsod ng Baýramaly, Mary Region, sa timog-silangan ng Turkmenistan. Saksi ni Jehova ang misis niyang si Surya, pati na ang nanay niyang si Sonya.
Nagsimula ang paglilitis kay Brother Dovletov noong Nobyembre 11, 2019. Sinabi ni Brother Dovletov sa korte na hindi siya puwedeng maglingkod sa militar dahil sa kaniyang relihiyosong paniniwala. Bukod diyan, tatlong doktor ang tumestigo na si Brother Dovletov ay may chronic duodenal ulcer kaya may karapatan siyang hindi maglingkod sa militar.
Sa kabila ng mga impormasyong iniharap sa korte, hinatulan si Brother Dovletov na nagkasala ng diumano’y pag-iwas sa paglilingkod sa militar at iniutos ng hukom na ibilanggo siya. Posibleng malapit na siyang ilipat sa labor camp sa Seydi sa disyerto ng Lebap Region, kung saan nakabilanggo ang siyam pang brother. Magsusumite ng apela si Brother Dovletov.
Ipinapanalangin natin ang ating mga kapatid sa Turkmenistan na dumaranas ng kawalang-katarungan, at nagtitiwala tayo sa pangako ni Jehova na tutulungan niya silang manindigan.—Awit 37:18, 24.