MARSO 28, 2018
TURKMENISTAN
Hindi Kinikilala ng Turkmenistan ang Karapatang Magpasiya Ayon sa Budhi
Noong Enero 2018, sinentensiyahan sina Arslan Begenjov at Kerven Kakabayev ng isang-taóng pagkabilanggo dahil sa kasong pag-iwas na maglingkod sa militar. Ang dalawang kabataang ito ay mga Saksi ni Jehova at tumangging magsundalo dahil sa relihiyoso nilang mga paniniwala. Bagaman handa silang magsagawa ng alternatibong serbisyong pansibilyan, hindi kinikilala ng gobyerno ng Turkmenistan ang karapatang magpasiya ayon sa budhi at hindi ito nag-aalok ng alternatibong serbisyo para sa mga ayaw magsundalo.
Inaresto, Hinatulan, at Ibinilanggo
Inaresto ng mga awtoridad si Mr. Begenjov noong Enero 2 at ikinulong habang hinihintay ang pagdinig ng korte sa kaso niya. Noong Enero 17, hinatulan siyang may-sala sa kasong pag-iwas na magsundalo at sinentensiyahang mabilanggo nang isang taon. Inapela ni Mr. Begenjov ang di-makatarungang hatol na ito sa kaniya.
Inaresto rin si Mr. Kakabayev noong Enero at di-makatarungang sinentensiyahan ng isang-taóng pagkabilanggo noong Enero 29. Sa pagdinig, hindi siya hinayaan ng korte na iharap ang paborableng mga desisyon ng UN Human Rights Committee na sumusuporta sa kaso niya. Nakakalungkot, posibleng hindi na makapag-apela si Mr. Kakabayev. Hinarang ng mga opisyal sa bilangguan ang mga dokumento sa pag-apela na inihanda ng mga abogado niya. Kaya hindi niya napirmahan ang mga dokumento sa loob ng 10 araw matapos siyang masentensiyahan, gaya ng hinihiling sa batas.
Pangalawang beses nang naparusahan si Mr. Kakabayev dahil sa pagtangging magsundalo dahil sa budhi. Noong Disyembre 2014, napatawan siya ng parusa na sa loob ng dalawang-taóng pagtatrabaho, kakaltasan nang 20 porsiyento ang suweldo niya para ibigay sa Estado.
‘Hindi Pa Rin Kinikilala ang Karapatang Magpasiya Ayon sa Budhi’
Sinasabi ng gobyerno ng Turkmenistan na iginagalang nito ang mga karapatan ng mga mamamayan nito. Pero ayaw pa rin nitong kilalanin ang karapatan ng mga tumatangging magsundalo na magpasiya ayon sa budhi sa kabila ng mga panawagang sumunod ito sa internasyonal na mga pamantayan.
Noong 2015 at 2016, naglabas ng mga desisyon ang UN Human Rights Committee laban sa Turkmenistan bilang tugon sa 10 reklamo na isinumite ng mga Saksing ayaw magsundalo dahil sa budhi. Sa mga desisyong ito, sinaway ng Komite ang Turkmenistan dahil sa pag-uusig at pagbilanggo sa mga Saksing ayaw magsundalo dahil sa budhi. Noong Abril 2017, itinawag-pansin ulit ng Komite sa Turkmenistan ang problema nito dahil “hindi pa rin nito kinikilala ang karapatan ng mga tumatangging magsundalo na magpasiya ayon sa budhi at paulit-ulit pa rin nitong inuusig at ibinibilanggo ang mga Saksi ni Jehova na ayaw magsundalo.” Nanawagan ito sa Turkmenistan na mag-alok ng alternatibong serbisyong pansibilyan, itigil ang pag-uusig sa mga tumatangging magsundalo dahil sa budhi, at palayain ang mga kasalukuyang nakabilanggo dahil sa pagtangging magsundalo.
Nitong nakalipas na mga taon, gumawa ng ilang pagbabago ang gobyerno sa pagtrato nito sa mga tumatangging magsundalo dahil sa budhi. Mula Disyembre 2014, sa halip na ibilanggo ang mga Saksing ayaw magsundalo dahil sa budhi, nagpapataw na lang sila ng 20-porsiyentong kaltas sa suweldo ng mga ito sa loob ng isa o dalawang taon (gaya ng naranasan ni Mr. Kakabayev noong 2014) o sa ilang kaso, naglalapat ng kondisyonal na sentensiya. * Noong Pebrero 2015, pinalaya nito ang huling Saksi na nakabilanggo dahil sa pagtangging magsundalo dahil sa budhi. Pero nakakalungkot, sa kamakailang mga kaso nina Mr. Begenjov at Mr. Kakabayev, sa halip na tuluyan nang kilalanin ang karapatang magpasiya ng mga tumatangging magsundalo ayon sa budhi, bumalik sila sa malupit nilang pakikitungo sa mga ito.
Hindi Lang mga Saksing Ayaw Magsundalo ang Ibinibilanggo
Bukod sa pagbilanggo kina Mr. Begenjov at Mr. Kakabayev, hindi pa rin pinapalaya ng mga awtoridad si Bahram Hemdemov mula nang ibilanggo ito dahil sa paggamit ng karapatan nitong sumamba. Bilang Saksi ni Jehova, inaresto siya at ikinulong dahil sa pagdaraos ng relihiyosong pagtitipon sa bahay niya sa Turkmenabad. Ang amang ito na may apat na anak ay nakakulong pa rin mula pa noong 2015, kahit pa napakarami nang binigyan ng amnestiya ng presidente ng Turkmenistan sa nakalipas na dalawang taon. Libo-libo na ang binigyan ng amnestiya ng Estado, pero paulit-ulit nitong binabale-wala ang panawagan sa paglaya ni Mr. Hemdemov.
Gustong-gusto ng mga Saksi ni Jehova na mabago na sana ang kalagayan ng mga kapananampalataya nila sa Turkmenistan. Umaasa sila na igagalang na ng bansa ang kalayaan sa relihiyon at ang karapatang magpasiya ayon sa budhi at itatama ang nararanasang kawalang-katarungan ng mga Saksi roon.
^ par. 10 Ang kondisyonal na sentensiya ay nagpapataw ng ilang uri ng probation sa halip na ibilanggo ang may sala.