Pumunta sa nilalaman

HULYO 4, 2017
TURKMENISTAN

Ipatutupad Ba ng Turkmenistan ang mga Desisyon ng UN Human Rights Committee?

Ipatutupad Ba ng Turkmenistan ang mga Desisyon ng UN Human Rights Committee?

Sa 10 desisyon nito kamakailan, hiniling ng UN Human Rights Committee (Committee) sa gobyerno ng Turkmenistan na tuparin ang pangako nito na protektahan ang karapatang pantao ng mga mamamayan nito. * Binanggit ng mga desisyon na inilabas noong 2015 at 2016, na dapat ihinto ng gobyerno ang pagpaparusa sa mga tumatangging magsundalo dahil sa budhi at dapat nitong sundin ang UN International Covenant on Civil and Political Rights, kung saan miyembro ang Turkmenistan.

Humahanap ng Solusyon ang mga Saksi

Ang mga desisyon ng Committee ay batay sa mga reklamong isinampa noong Setyembre 2012 ng 10 lalaking Saksi na pinarusahan dahil sa pagtanggi nilang magsundalo udyok sa budhi. Siyam sa mga lalaki ay ikinulong sa ilalim ng mahihirap na kalagayan at iniulat na pinagbubugbog at minaltrato. Pinagtiisan din nila ang matinding init sa marumi at siksikang mga selda at nahantad sa nakahahawang sakit.

Sinabi sa bawat desisyon ng Committee na nilabag ng Turkmenistan ang “kalayaan ng pag-iisip, budhi, at relihiyon” ng mga tumatangging magsundalo dahil sa budhi. Sa kaso ng siyam na lalaking nagdusa ng pagkabilanggo, sinabi ng Committee na ang Turkmenistan ay hindi “nakitungo [sa kanila] sa makataong paraan” at hindi sila iginalang at “isinailalim [sila] sa pagpapahirap o malupit na pagtrato o parusa.”

Sinabi ng Committee na para masolusyunan ang mga paglabag, dapat burahin ng gobyerno ng Turkmenistan ang criminal record ng mga Saksi, paglaanan sila ng sapat na bayad-pinsala, at baguhin ang batas nito para matiyak na “talagang gagarantiyahan ang karapatan ng tumatangging magsundalo dahil sa budhi.” Inutusan din ng Committee ang gobyerno na imbestigahan nang walang pagtatangi at lubusan ang mga report ng pagmamaltrato at usigin ang sinumang may kagagawan nito.

Noong 2013, limang lalaking Saksi pa ang nagsampa ng reklamo sa Committee dahil sa parusang dinanas nila bilang mga tumatangging magsundalo dahil sa budhi. Inaasahan ng kanilang mga abogado na susundin sa darating na desisyon ang katulad na desisyong iginawad sa naunang 10.

Matinding Pagmamalupit kay Navruz Nasyrlayev

Navruz Nasyrlayev

Ang isa sa mga desisyon ng Committee na inilabas noong Hulyo 15, 2016, ay may kaugnayan kay Navruz Nasyrlayev. Nang una siyang ipatawag para magsundalo noong Abril 2009 sa edad na 18, ipinaliwanag niya sa mga awtoridad na hindi niya maatim na magsundalo. Gayunman, sinabi niya na handa siyang magsagawa ng alternatibong serbisyong pansibilyan. Nang maglaon, hinatulan siya ng pag-iwas magsundalo at sinentensiyahan nang dalawang taon sa LB-E/12 prison sa Seydi. Habang naroon, paulit-ulit siyang ikinulong sa isang seldang parusahan at matinding pinagbubugbog ng nakamaskarang mga guwardiya.

Noong Enero 2012, isang buwan pagkalaya niya, muling ipinatawag si Mr. Nasyrlayev para magsundalo. Sinabi niya uli na handa siyang magsagawa ng alternatibong serbisyong pansibilyan pero hinatulan siya at sinentensiyahan sa gayunding paratang at ikinulong nang dalawa pang taon sa “mahigpit na pamamahala sa bilangguan” kung saan ang mga kalagayan ay inilalarawan na “kahabag-habag.” Gaya ng dati, matindi siyang pinagbubugbog ng mga guwardiya sa bilangguan at sapilitang pinagtrabaho.

Nagdusa rin ang mga miyembro ng pamilya ni Mr. Nasyrlayev. Di-nagtagal, pagkatapos ipadala ng Committee ang kaniyang reklamo sa gobyerno ng Turkmenistan para sa desisyon nito, ni-raid ng mga opisyal ng pulis ang bahay ng pamilya sa Dashoguz at matinding pinagmalupitan ang mga kapamilya niya at mga bisita nito—maliwanag bilang ganti sa reklamong isinampa niya.

Bagaman napalaya sa bilangguan si Mr. Nasyrlayev noong Mayo 2014, nararanasan pa rin niya ang mga epekto ng kaniyang pagkabilanggo. Sinabi ng Committee na dumanas siya ng matinding pagmamalupit at dalawang beses siyang nahatulan at nasentensiyahan dahil sa “kaniyang di-nagbabagong pasiya na batay sa kaniyang budhi.” Sinabi ng Committee: “Ang pagtanggi ni [Mr. Nasyrlayev] na makalap para sa sapilitang pagsusundalo ay dahil sa kaniyang relihiyosong paniniwala . . . , [at ang kaniyang] kasunod na hatol at sentensiya ay katumbas ng paglabag sa kaniyang kalayaan ng pag-iisip, budhi, at relihiyon.”

Bubuti Pa Ba ang Pagtrato ng Turkmenistan sa mga Saksi ni Jehova?

Noong 2012, sa isang naunang report tungkol sa karapatang pantao sa Turkmenistan, hinimok ng Committee ang gobyerno na “ihinto ang lahat ng pag-uusig sa mga indibidwal na tumatangging magsundalo dahil sa budhi at palayain ang mga indibidwal na kasalukuyang nakakulong.” Tumugon naman ang gobyerno ng Turkmenistan sa pamamagitan ng pagpapalaya noong Pebrero 2015 sa huling Saksi na nakulong dahil sa pagtangging magsundalo udyok ng budhi. Mula noon, wala nang Saksi ang nasentensiyahang mabilanggo dahil sa pagtangging magsundalo udyok ng budhi.

Gayunpaman, sa pamamagitan ng pag-uusig at pagpaparusa sa mga tumatangging magsundalo dahil sa budhi, patuloy pa ring nilalabag ng gobyerno ng Turkmenistan ang mga pangako nito sa mga bansa na protektahan ang mga karapatang pantao ng mga mamamayan nito.

  • Mula noong 2014, sinentensiyahan ng gobyerno ang mga Saksi ni Jehova na tumatangging magsundalo dahil sa budhi ng correctional labor. Sa parusang ito, kinakailangang magbayad ng mga indibidwal ng 20 porsiyento ng suweldo nila sa badyet ng Estado sa loob nang isa hanggang dalawang taon. Sa kasalukuyan, dalawang Saksi ang sumasailalim sa correctional labor.

  • Sa ibang mga kaso, matinding ginipit ng mga opisyal ang mga tumatangging magsundalo dahil sa budhi para pilitin silang ikompromiso ang kanilang mga paniniwala.

Artur Yangibayev

Halimbawa, noong Hunyo 16, 2016, nagpunta ang lokal na sheriff at dalawang kinatawan ng Military Commissariat sa bahay ni Artur Yangibayev, isang Saksi na nagsumite ng petisyon na humihiling ng alternatibong serbisyong pansibilyan. Dinala siya ng mga opisyal sa prosecutor’s office, kung saan isinailalim nila siya sa matinding sikolohikal na panggigipit anupat pinilit siyang sumulat ng isang liham na bumabawi sa nauna niyang petisyon. Kalaunan, nagsampa si Mr. Yangibayev ng reklamo laban sa pamimilit, at pagkaraan ng tatlong linggong pagkakulong, pinalaya siya na may dalawang-taóng kondisyonal na pagkakulong. *

Iba Pang Di-nalulutas na Paglabag sa mga Karapatang Pantao

Bukod sa pagmamalupit sa mga tumatangging magsundalo dahil sa budhi, hinihigpitan din at pinarurusahan ng Turkmenistan ang relihiyosong gawain. Sa isang report na inilabas noong Enero 2017, umapela ang UN Committee Against Torture sa gobyerno ng Turkmenistan na “gawin agad ang walang-pagtatanging imbestigasyon sa . . . sinasabing pagpapahirap sa bilangguan noong Mayo 2015 kay Bahram Hemdemov, isang Saksi ni Jehova, [at] sa pag-aresto, matinding pambubugbog at sapilitang pagkulong sa isang drug rehabilitation centre noong Hulyo 2014 kay Mansur Masharipov, isang Saksi ni Jehova.” Si Mr. Masharipov ay pinalaya pagkatapos makulong nang isang taon. Si Mr. Hemdemov, na nahatulan dahil sa sinasabing ilegal na relihiyosong gawain, at si Mr. Masharipov, na nakulong batay sa inimbentong paratang dahil sa kaniyang relihiyosong gawain, ay parehong walang kasalanan.

Umaasa ang mga Saksi ni Jehova sa Turkmenistan na gagawa ng hakbang ang gobyerno para lutasin ang mga isyung ito pabor sa kalayaan sa relihiyon at budhi. Sa paggawa nito, ipapakita ng gobyerno ang paggalang nito sa mga lalaking nanindigan ayon sa idinidikta ng kanilang budhi at ang pagsisikap na ayusin ang rekord nito tungkol sa mga karapatang pantao.

^ par. 2 Kinikilala ng batas ng mga bansa ang pagtangging magsundalo dahil sa budhi bilang isang mahalagang karapatang pantao, at karamihan ng mga bansa ay gumagawa ng probisyon para dito sa batas ng kanilang bansa. Pero ang Turkmenistan—pati na ang Azerbaijan, Eritrea, Singapore, South Korea, at Turkey—ay hindi lang tumatangging kilalanin ang karapatang ito kundi patuloy nilang inuusig ang mga Saksi ni Jehova na tumatangging magsundalo dahil sa budhi.

^ par. 18 Ang kondisyonal na sentensiya ay nagpapataw ng ilang uri ng probation na ipagpaliban o halinhan ang isang sentensiya na nagkakait ng kalayaan sa isang tao. Si Mr. Yangibayev ay sumasailalim sa regular na pagmomonitor ng mga pulis at hindi pa nakukulong.