Pumunta sa nilalaman

MARSO 20, 2019
TURKMENISTAN

Pinalaya Na si Bahram Hemdemov

Pinalaya Na si Bahram Hemdemov

Noong Pebrero 13, 2019, pinalaya na si Bahram Hemdemov, 55 taóng gulang, matapos ang apat-na-taóng sentensiya sa kaniya sa bilangguan sa Seydi, Turkmenistan (LB-E/12). Kasama na niya ngayon ang kaniyang asawa, si Gulzira, at ang kanilang apat na anak. Si Mr. Hemdemov ay inaresto noong Marso 14, 2015, dahil sa pagdaraos ng mapayapang relihiyosong pagpupulong sa kaniyang bahay sa bayan ng Turkmenabad. Siya ay hinatulan noong Mayo 19, 2015, ng Lebap Regional Court. Habang nakakulong si Mr. Hemdemov, tatlong beses kada taon na nagbibigay ng amnestiya ang gobyerno ng Turkmenistan sa mga bilanggo, kahit pa nga sa mga mamamatay-tao. Pero sa mga pagkakataong ito, palagi siyang nakakaligtaan. Noong Agosto 15, 2016, nagsampa ng reklamo si Mr. Hemdemov sa UN Human Rights Committee (CCPR), na nakabinbin pa rin hanggang ngayon. Labing-isang Saksi ni Jehova ang nakabilanggo pa rin sa Turkmenistan dahil sa pagtangging magsundalo. Ito ay sa kabila ng 10 desisyong inilabas ng CCPR laban sa pang-uusig at pagbibilanggo ng gobyerno sa mga kabataang Saksi na tumatangging magsundalo dahil sa pananampalataya.