Pumunta sa nilalaman

SETYEMBRE 22, 2014
TURKMENISTAN

Isang Ina sa Turkmenistan—Pinalabas ng Bilangguan

Isang Ina sa Turkmenistan—Pinalabas ng Bilangguan

Si Bibi Rahmanova at ang pamilya niya

Setyembre 2, 2014, ganap na 8:00 n.g., pinalabas ng bilangguan si Bibi Rahmanova—malaya pero hindi napawalang-sala. Nang araw ding iyon, pinag-usapan ng mga hukom ng Dashoguz Regional Court ang kaniyang apela. Bagaman hindi nila pinawalang-sala si Bibi mula sa maling mga paratang, pinalitan nila ang kaniyang hatol na apat-na-taóng pagkabilanggo ng isang conditional sentence * at ipinag-utos na agad siyang palayain. Nakasaad sa desisyon ng korte na isinaalang-alang ng mga hukom ang kalagayan ni Bibi—na siya ay isang babae at isang ina na may apat-na-taóng gulang na anak at walang criminal record.

Matapos mahatulan si Bibi noong Agosto 18 salig sa gawa-gawang paratang na “pananakit sa isang pulis” at “hooliganism,” o pagiging bayolente, nagsumite siya ng cassation appeal. Noong Hulyo 5, pagkakuha ni Bibi at ng mister niyang si Vepa ng kanilang bagahe na may lamang ilang relihiyosong babasahin sa isang istasyon ng tren sa Dashoguz, sinita sila ng mga pulis. Nang maglaon, pinawalang-sala si Vepa. Pero si Bibi ay ikinulong noong Agosto 8. Habang nakabilanggo, dumanas si Bibi ng matinding pisikal na pananakit.

Paglalantad sa Kawalang-katarungan sa Turkmenistan

Sinabi ng mga banyagang abogado ni Bibi na ang pagbatikos ng ibang mga bansa sa di-makatarungang pagbibilanggo sa kaniya ay nakatulong, sa paanuman, sa di-inaasahang pagpapalaya kay Bibi.

Hindi na bago sa mga Saksi ni Jehova sa Turkmenistan ang naranasan ni Bibi. Madalas na nilalabag ang saligang karapatang pantao ng mga Saksi roon. Walong Saksi ang nakabilanggo ngayon dahil sa kanilang pananampalataya—anim dahil sa pagtangging magserbisyo sa militar udyok ng budhi at ang dalawa naman ay kinasuhan salig sa gawa-gawang paratang. Napakasaklap ng kalagayan nila at nakararanas sila ng iba’t ibang uri ng pang-aabuso.

Mabuti naman at pinagaan ng mga hukom ng Dashoguz Regional Court ang kalagayan ni Bibi. Kaya lang hindi pa rin nila naituwid ang kawalang-katarungan. Umaasa ang lahat ng nagpapahalaga sa dignidad ng tao na palalawakin ng mga awtoridad sa Turkmenistan ang kanilang pag-iisip. Sana’y igalang nila ang karapatang pantao na kinikilala sa buong mundo at bigyan ng kalayaan sa relihiyon ang kanilang mga mamamayan.

^ par. 2 Sinuspinde ng regional court ang kaniyang sentensiya na apat-na-taóng pagkabilanggo. Pinalitan ito ng apat-na-taóng conditional sentence na may tatlong-taóng probasyon. Sa panahon ng probasyon, dapat niyang panatilihin ang kaniyang mabuting paggawi at hindi siya puwedeng umalis o lumipat ng lunsod nang walang pahintulot ng mga awtoridad.