OKTUBRE 24, 2016
TURKMENISTAN
Mapalalaya Na Ba si Bahram Hemdemov sa Susunod na Amnestiya?
Noong Pebrero 2016, nagdeklara ang gobyerno ng Turkmenistan ng amnestiya kung saan daan-daang bilanggo ang pinalaya. Pero hindi kasama rito si Bahram Hemdemov. Wala pang tatlong buwan ang nakalilipas, ang apela niya sa hatol at pagkabilanggo sa kaniya ay ibinasura ng Supreme Court ng Turkmenistan. Noong Agosto 15, 2016, ang abogado ni Mr. Hemdemov ay nagsampa ng reklamo para sa kaniya sa UN Human Rights Committee.
Pag-uusig sa mga Saksi ni Jehova sa Turkmenabad
Inaresto si Mr. Hemdemov noong Marso 2015 habang isang mapayapang relihiyosong pagpupulong ang idinaraos ng mga Saksi sa bahay niya sa Turkmenabad. Dumating ang mga pulis, naghalughog sa bahay niya nang walang warrant, kinuha ang ilang personal na gamit, at sinaktan ang lahat ng dumalo sa pagpupulong.
Sinabi ng isang abogado na kumakatawan kay Mr. Hemdemov: “Pinili ng mga pulis na pagmalupitan si Bahram Hemdemov para bantaan at takutin ang iba pang mga Saksi na nakatira sa Turkmenabad.” Sa kabila ng masamang trato ng mga awtoridad, hindi ikinompromiso ni Mr. Hemdemov ang mga paniniwala niya.
Pag-asang Mapalaya
Umaasa ang mga Saksi ni Jehova na palalayain din ng gobyerno ng Turkmenistan si Mr. Hemdemov. Isa ngang kagandahang-loob sa bahagi ni Presidente Gurbanguly Berdimuhamedov kung palalayain niya si Mr. Hemdemov sa susunod niyang pagbibigay ng amnestiya.
Miss na miss na si Mr. Hemdemov ng kaniyang asawang si Gulzira at ng apat nilang anak, at kasama ng iba pang mga kapuwa Saksi sa komunidad, sabik na sabik silang muli siyang makasama. Magalang na nakikiusap sa gobyerno ang mga Saksi sa Turkmenistan na pahintulutan silang sumamba nang mapayapa at walang paghadlang ng lokal na mga awtoridad.