Pumunta sa nilalaman

DISYEMBRE 12, 2019
UKRAINE

Ipinagtanggol ng Korte Suprema ng Ukraine ang Karapatan sa Paggamit ng Kingdom Hall

Ipinagtanggol ng Korte Suprema ng Ukraine ang Karapatan sa Paggamit ng Kingdom Hall

Pagkatapos ng apat-na-taóng pakikipaglaban sa korte, ang mga Saksi ni Jehova sa bayan ng Tetiiv, sa Ukraine, ay pinayagan nang gumamit ng Kingdom Hall para sa pagsamba. Kahit natapos nang itayo ng mga kapatid ang kanilang Kingdom Hall noong Disyembre 2014, paulit-ulit na pinigilan ng State Architect-Building Council (SABC) ang paggamit nito: anim na beses tumangging magbigay ng occupancy permit, pinagmulta nang malaki ang kongregasyon, at kinansela ang building permit, kahit na tapos na ang pagtatayo ng Kingdom Hall.

Noong Oktubre 10, 2018, sinabi ng Korte Suprema ng Ukraine na nasunod ng mga kapatid ang batas tungkol sa pagtatayo. Sinabi rin nito na ayon sa European Convention on Human Rights, may karapatan ang sinuman na magtayo ng lugar ng pagsamba. Noong Marso 28, 2019, ibinigay ng bagong-hirang na department chief ng SABC ang occupancy permit sa mga kapatid. Idinaos ng kongregasyon ang kanilang unang pulong noong buwan ding iyon.

Noong Nobyembre 2, 2019, inimbitahan ng mga kapatid ang mga tagaroon na bumisita sa Kingdom Hall. Bukod sa mga kapitbahay nila, nagpunta rin ang mga opisyal ng bayan at ng distrito. Sinabi ng Chief Architect ng Tetiiv District State Administration na si Anatoliy Fedorovych Zavalniuk: “Sinunod ninyo ang mga batas at kahilingan ng gobyerno para sa pagtatayo, pati na ang mga plano na inaprobahan ng Administrasyon. Pinaganda ng inyong lugar ng pagsamba ang bahaging ito ng bayan. Maraming salamat sa inyo.”

Dahil sa tagumpay na ito, nakikipagsaya tayo sa mga kapatid sa Tetiiv. Natutuwa tayong malaman na nagagamit na nila ang kanilang Kingdom Hall para purihin at dakilain si Jehova.—Awit 69:30.