Pumunta sa nilalaman

NOBYEMBRE 20, 2020
UKRAINE

Mga Desisyon ng ECHR, Pabor sa mga Saksi ni Jehova sa Ukraine

Mga Desisyon ng ECHR, Pabor sa mga Saksi ni Jehova sa Ukraine

Kinondena ng Korte ang hindi pagpaparusa sa mga nagmalupit sa ating mga kapatid

Noong Nobyembre 12, 2020, naglabas ang European Court of Human Rights (ECHR) ng tatlong desisyon pabor sa mga Saksi ni Jehova sa Ukraine. Ang mga kasong ito ay ang Zagubnya and Tabachkova v. Ukraine, Migoryanu and Others v. Ukraine, at Kornilova v. Ukraine. Isinumite ang mga ito sa Korte noong 2014 at 2015. Sa bawat kaso, walang ginawang aksiyon ang mga tagapagpatupad ng batas laban sa mga nagmalupit sa ilang Saksi ni Jehova. Ayon sa ECHR, hindi ipinagtanggol ng mga awtoridad sa Ukraine ang karapatan ng ating mga kapatid bilang mamamayan, kaya nag-utos ito na bayaran ang mga biktima ng 14,700 euro ($17,400 U.S.).

Zagubnya and Tabachkova v. Ukraine: Noong Abril 20, 2009, nagbabahay-bahay sina Sister Zagubnya at Tabachkova sa nayon ng Novi Mlyny. Nakasalubong nila si Mykola Lysenko, isang pari ng Trinity Orthodox Church doon, at walang-awa silang pinagpapalo ng kahoy sa ulo at likod. Hindi man lang naparusahan ang paring ito kahit pa nga inamin niyang gusto niyang “takutin” ang mga sister at “pahintuin sa kanilang pangangaral.”

Migoryanu and Others v. Ukraine: Noong Abril 5, 2012, nagtitipon ang 21 Saksi ni Jehova kasama ng mga bisita nila para alalahanin ang Memoryal ng kamatayan ni Jesu-Kristo. Biglang dumating ang isang grupo ng mga tao na pinangungunahan ng paring si O. Greku ng Moscow Patriarchate Orthodox at nanggulo sa pagtitipon. Pinagsisigawan nila at tinakot ang mga naroroon, pati na ang mga bata at mga may-edad na babae.

Hindi pa rin tumigil sa panggugulo sa mga Saksi ni Jehova ang paring ito at ang mga kasama niya. Binugbog nila ang mga brother, sinunog ang kotse ng isang brother, at hinagisan ng Molotov cocktail ang isang bahay ng mga Saksi habang natutulog sila. Inireport ito ng mga Saksi sa pulis kasama ng mga ebidensiya. Sa ilang kaso, nakunan pa nga ng video ang mga gumawa nito. Pero sinasabi ng mga pulis na hindi ito pag-atake dahil sa relihiyon at na hindi makilala sa video ang mga salarin. Hindi naparusahan ang pari at ang mga kasama niya.

Kornilova v. Ukraine: Noong Marso 7, 2013, sa bayan ng Nosivka, iniimbitahan nina Sister Kornilova at Serdiuk ang mga kapitbahay nila para dumalo sa Memoryal ng kamatayan ni Kristo. Isang lalaki ang biglang nagsisigaw at ininsulto ang mga sister dahil sa kanilang relihiyon. Pagkatapos, sinuntok niya si Sister Kornilova sa mukha kaya naapektuhan nang husto ang ulo nito. Naospital si Sister Kornilova nang 11 araw. Ipinipilit ng mga pulis na hindi iyon pag-atake dahil sa relihiyon at sinabing “galít lang sa kaniya” ang lalaki. Maliit lang ang multang hiniling ng korte sa salarin.

Mula kaliwa pakanan: Sister Tetyana Kornilova, Sister Tetiana Zagubnya, Sister Maria Tabachkova, at Brother Vasyl Migoryanu. Apat sa maraming Saksi ni Jehova sa Ukraine na pinagmalupitan dahil sa relihiyon mula 2009 hanggang 2013

Ang mga representative ng sangay sa Ukraine ay maraming beses na nakipag-meeting sa mga opisyal ng bayan at ng bansa, pati na sa mga opisyal ng ibang mga bansa para pag-usapan ang pagmamaltratong ito. Sinubukan nila ang iba’t ibang paraan pero walang nangyari, kaya nag-file na sila ng mga kaso sa ECHR noong 2014. Nagkataon naman na bago ang taóng iyon, napapansin na ng mga opisyal ang nangyayaring pang-uusig dahil sa relihiyon sa Ukraine. Ganito ang report ng Ukrainian Ombudsman noong 2013: “Dahil hindi iniimbestigahan ng mga pulis ang mga krimen na posibleng ginawa dahil sa galit sa relihiyon, iniisip ng mga kriminal na hindi sila mapaparusahan.” Sinabi rin ng United Nations Human Rights Committee sa periodic report nito sa Ukraine noong 2013 na nababahala ito dahil hindi itinuturing ng Ukraine na mabigat na krimen ang mga hate crime, gaya ng nararanasan ng mga Saksi ni Jehova, kaya hindi napaparusahan nang tama ang mga gumagawa nito. Sinabi ng Committee na dapat na “magsikap pa [ang gobyerno ng Ukraine] na tiyaking naiimbestigahang mabuti ang mga posibleng hate crime, napaparusahan ang mga salarin . . . at, kung mahatulan, mabigyan sila ng tamang parusa, at mabigyan ng danyos ang mga biktima.”

Sa nakaraang mga taon, inaaksiyunan na ito ng gobyerno ng Ukraine. Kahit malaya ang pagsamba ng mga Saksi ni Jehova sa bansang ito, umaasa tayo na makakatulong ang tatlong desisyong ito ng ECHR para patuloy na protektahan ng mga awtoridad sa Ukraine at sa iba pang mga bansa ang kalayaan sa pagsamba ng mga kapatid. Nananabik tayo sa panahong wawakasan na ni Jehova ang pag-uusig na nararanasan ng mga sumasamba sa kaniya, dahil ang “lahat ng ginagawa niya ay makatarungan.”—Deuteronomio 32:4.