Pumunta sa nilalaman

OKTUBRE 31, 2019
UKRAINE

Nagdesisyon ang ECHR na May Karapatan ang mga Saksi ni Jehova na Magtayo ng Kingdom Hall sa Ukraine

Nagdesisyon ang ECHR na May Karapatan ang mga Saksi ni Jehova na Magtayo ng Kingdom Hall sa Ukraine

Inilabas ng European Court of Human Rights (ECHR) ang isang Chamber judgment na pabor sa mga Saksi ni Jehova sa lunsod ng Kryvyi Rih, Ukraine, noong Setyembre 3, 2019. Sinabi ng Court na ang city council ng Kryvyi Rih ay nagkasala dahil sa sadyang hindi pagbibigay ng permit para sa pagpapatayo ng Kingdom Hall.

Mga kapatid na nasa harap ng property kung saan pinaplano nilang magtayo ng Kingdom Hall, sa lunsod ng Kryvyi Rih, Ukraine

Ayon sa Chamber judgment, dapat magbayad ang city council ng 7,000 euros (tinatayang $7,768 U.S.) para sa danyos at legal na bayarin ng dalawang kongregasyong nagsumite ng aplikasyon para sa pagpapatayo. Sinabi ng hatol na nilabag ng city council ang dalawang internasyonal na batas—ang Article 9 (na pinapangalagaan ang kalayaan sa pag-iisip, konsensiya, at relihiyon) at ang Article 1 ng Protocol No. 1 (karapatan na magkaroon ng pag-aari) ng European Convention on Human Rights. May tatlong buwan ang gobyerno ng Ukraine para umapela sa pinakamataas na korte ng ECHR, ang Grand Chamber.

Mahigit 15 taon na mula nang magsumite ng aplikasyon ang dalawang kongregasyon sa Kryvyi Rih para magtayo ng Kingdom Hall. Noong Agosto 9, 2004, bumili sila ng isang residential building sa lupang pinangangasiwaan ng lunsod at nagsumite ng aplikasyon para magtayo roon ng Kingdom Hall. Pumayag ang city council noong Setyembre 28, 2005. Ipinaalam ng city council sa mga kapatid na kailangang makita ng ilang ahensiya ang plano ng proyekto nila bago sila mabigyan ng permit para mapasimulan ang pagtatayo.

Ginawa ang plano, inaprobahan ito ng lahat ng kinauukulan, at ipinasa ito sa city council noong Agosto 23, 2006 para mabigyan ng permit. Ayon sa batas, dapat magbigay ng sagot ang city council sa loob ng isang buwan, pero hindi nito sinagot ang aplikasyon ng mga kapatid. Kahit matapos magdesisyon ang isang regional court na lumabag ang city council sa batas, hindi pa rin ito nagbigay ng permit. Hindi natulungan ng ibang korte ang mga kapatid natin, kaya noong Abril 13, 2010, umapela ang mga kapatid natin sa ECHR.

Natutuwa tayong nagdesisyon ang ECHR nang pabor sa mga kapatid natin sa Kryvyi Rih. Ipinapanalangin natin na dahil sa desisyong ito ng ECHR, magiging mas madali na para sa mga kapatid natin na magtayo ng mga bahay ng pagsamba sa mga bansang may paghihigpit sa bagay na ito.—Awit 118:5-9.