Pumunta sa nilalaman

HUNYO 23, 2022
UKRAINE

Nakarating Ako sa Ligtas na Lugar

Kuwento ni Anastasia Khozyainova na Nakaligtas Mula sa Ukraine

Nakarating Ako sa Ligtas na Lugar

Umaga noon, Pebrero 24, 2022, nang magising ako dahil sa malalakas na ingay. Akala ko kulog iyon kasi umuulan sa labas, pero mga bomba pala.

Naisip kong kailangan kong iwan ang bahay ko, na nasa sentro ng Mariupol. Kinabukasan, nagpunta ako sa bahay ng lola kong si Iryna ko sa labas ng lunsod. Sumunod sa akin ang nanay kong si Kateryna. Kasama namin ang pinsan ko. Ligtas kami sa bahay ni Lola sa loob ng ilang panahon, pero kailangan naming matulog sa basement nang ilang araw.

Minsan, isang missile ang tumama sa taniman namin ng gulay habang nagtatago kami sa basement. Nakakabingi ang pagsabog. Marubdob akong nanalangin kay Jehova. Makalipas ang isang linggo, nagpasiya na kaming bumalik sa sentro ng lunsod para makalikas kami, dahil hindi na ligtas sa bahay ni Lola. Nakiusap ako kay Jehova na ingatan kami at tulungan kaming makaalis ng lunsod.

Umaga noon ng Marso 4. Wala kaming masakyang tren mula sa Mariupol dahil nakubkob na ang lunsod. Kaya nanganlong muna kami sa sinehan ng lunsod kasama ang daan-daang iba pa noong sumunod na sampung araw. Siksikan doon kaya sa sahig kami natutulog. Hindi malinis ang kalagayan doon, at mahirap makakuha ang pagkain at malinis na tubig. Pumipila kami nang ilang oras.

Isang araw, sumabog ang isang missile malapit sa sinehan. Sa lakas ng pagsabog, nabasag ang mga bintana, kaya pumasok sa loob ang napakalamig na hangin.

Si Anastasia, kasama ang kaniyang lola Iryna at pinsan na si Andrii

Ano ang nakatulong sa akin sa mahirap na panahong iyon? Ang kuwento ni Job. Kapag nakikita kong nagkakagulo ang mga tao dahil sa mga pagsabog, binabasa ko ang kuwento ni Job sa aking Bibliya at bumubuti ang pakiramdam ko. Para akong nakaupo sa sinehan na kasama si Job at sinasabi sa kaniya: “Alam ko na ngayon kung ano ang nararamdaman mo!” Naiwala ni Job ang lahat: pamilya, kayamanan, at mga pag-aari. Sa akin, materyal na bagay lang ang nawala. Kasama ko ang pamilya ko, at lahat kami ay buháy at nasa mabuting kalusugan. Hindi naman kasinsama ng kalagayan ni Job ang kalagayan ko. Pagkatapos kong maisip iyon, gumagaan na ang pakiramdam ko.

Noong Marso 14, nalaman namin na isang grupo ang matagumpay na nakaalis ng lunsod. Kaya nagpasiya kaming umalis din. Nakakita kami ng sasakyan kasama ang iba pa mula sa sinehan.

Isang grupo ng 20 sasakyan ang umalis ng lunsod. Nagsiksikan ang 14 sa amin sa likuran ng isang cargo van. Habang nagbibiyahe kami, nagbabagsakan ang mga bomba. Panay ang panalangin ko. Nang makaalis kami nang ligtas sa Mariupol, inihinto ng driver ang sasakyan. Lumabas siya at umiyak. Naiwasan niya ang nakatanim na mga bomba sa mga dinaanan namin. Nabalitaan namin na, dalawang araw pagkaalis namin, binomba ang sinehan, at mga 300 katao ang namatay.

Pagkalipas ng 13 oras, narating namin ang Zaporizhia. Kinabukasan, sumakay kami ng tren papuntang Lviv. May 16 katao sa isang bagon ng tren na karaniwang para lang sa apat katao. Napakainit. Nakatayo ako sa buong biyahe. Iyon lang ang tanging paraan para makalanghap ako ng sariwang hangin. Noong Marso 16, dumating kami sa Lviv. Mainit kaming tinanggap ng mga kapatid natin. Nanganlong kami sa isang Kingdom Hall sa sumunod na apat na araw. Napaluha ako sa pagmamahal ng mga kapatid. Regalo iyon mula kay Jehova.

Noong Marso 19, nagpasiya kaming umalis ng Ukraine at nagpunta kami sa katabing bansa, sa Poland. Sinalubong kami ng mga kapuwa Saksi. Pinaglaanan nila kami ng lahat ng pangangailangan namin. Damang-dama namin ang pagmamahal nila.

Ngayon ay 19 anyos pa lang ako. Pero sa lahat ng pinagdaanan namin nitong nakaraan, masasabi kong napakahalaga talagang patibayin ang pananampalataya habang maayos ang mga kalagayan. Nakakatulong ang pananampalataya para makaligtas. Kung hindi ako nag-aral ng Bibliya bago ang digmaan, baka hindi ko iyon nakayanan.

Talagang mapagmalasakit na Ama si Jehova. Sa lahat ng panahon, damang-dama ko na hawak niya ang kanang kamay ko at akay-akay niya ako. Talagang nagpapasalamat ako kay Jehova sa lahat ng ginawa niya para sa akin.—Isaias 41:10.