Pumunta sa nilalaman

Namatay ang asawa nina Liudmyla Mozul at Kateryna Rozdorska dahil sa digmaan sa Ukraine. Tinulungan sila ni Jehova at ng kapatiran na makapagtiis

ABRIL 22, 2022
UKRAINE

“Nang Gabing Iyon, Hindi Lang Hinawakan ni Jehova ang Aking Kamay, Binuhat Niya ako sa Kaniyang mga Bisig”

Napatibay ng mga Pangako ni Jehova ang mga Nabiyudang Sister sa Ukraine

“Nang Gabing Iyon, Hindi Lang Hinawakan ni Jehova ang Aking Kamay, Binuhat Niya ako sa Kaniyang mga Bisig”

Sa tulong ni Jehova, nakakayanan nina Sister Liudmyla Mozul at Kateryna Rozdorska ang kirot at kalungkutan na dulot ng digmaan. Ang mga asawa nila, sina Petro Mozul at Dmytro Rozdorskyi, ay dalawa sa unang mga Saksi ni Jehova na namatay dahil sa digmaan sa Ukraine. Nakakalungkot, 34 na kapatid ang nasawi sa digmaan.

Sina Petro at Liudmyla Mozul

Nabautismuhan sina Petro at Liudmyla noong 1994. Sila ay 43 taon nang kasal.

“Inaaliw ako ng mga kapatid araw-araw,” ang sabi ni Liudmyla. “Lagi silang tumatawag. Napaiyak din ako sa isang liham ng pakikiramay mula sa sangay sa Ukraine.”

Sumiklab ang digmaan noong Pebrero 24, 2022. Si Petro, na isang ministeryal na lingkod sa isang sign-language congregation, ay namatay nang siya at ang pamilya niya ay lumilikas mula sa matinding pagbomba sa Kharkiv noong Marso 1, 2022.

Nang araw na iyon, pagkaraan ng ilang araw na pagbomba, inatake naman ng mga fighter jet ang lunsod. Tinipon ng pamilya ang ilang gamit nila at umalis sa loob ng 30 minuto. Sina Petro at Liudmyla ay nasa isang kotse. Ang anak nilang si Oleksii, at ang asawa nitong si Maryna ay nasa isa pang kotse. “Nasa kalye kami sa isang residential area nang paputukan kami ng mga fighter jet,” ang sabi ni Liudmyla. “Nayanig ang kotse sa lakas ng mga pagsabog.”

Si Petro, na 67 anyos, ay lumihis para hindi mabunggo ang kotse ni Oleksii, pero malubha siyang nasugatan. Dinala siya at si Liudmyla sa ospital kung saan binawian ng buhay si Petro. Nasugatan si Liudmyla sa kaniyang binti at tiyan dahil sa mga piraso ng bakal mula sa pagsabog ng bomba. Hindi nasaktan sina Oleksii at Maryna. Nalaman lang ni Liudmyla na namatay si Petro pagkalabas niya sa ospital makalipas ang tatlong araw.

Sinabi ni Liudmyla: “Habang pinag-iisipan ko ang kabaitan ni Jehova at ang kahanga-hanga niyang layunin, lalo akong napapanatag. Natitiyak kong makikita kong muli ang aking asawa sa bagong sanlibutan. Sabik na sabik na ako sa panahong iyon.”

Sina Kateryna at Dmytro Rozdorksyi

Sina Dmytro and Kateryna ay walong taon nang kasal. Ang huling mga salita ni Dmytro nang kausap niya si Kateryna mula sa trabaho ay, “Pauwi na ako.”

Makalipas ang ilang oras, noong Marso 8, 2022, isang katrabaho ang tumawag kay Kateryna at sinabi na nakatapak si Dmytro ng isang bomba at isinugod sa ospital. Namatay siya limang oras pagkatapos maopera.

Nang malaman niya ang tungkol sa pagkamatay ni Dmytro, sinabi ni Kateryna: “Nang gabing iyon, hindi lang hinawakan ni Jehova ang aking kamay, binuhat niya ako sa kaniyang mga bisig. Nadama ko na mahal na mahal ako ni Jehova.”

Si Dmytro, 28 anyos, ay nabautismuhan noong 2006 at isang elder sa Donetsk Region sa Ukraine.

Pagkatapos ng funeral talk para kay Dmytro, naglakbay si Kateryna nang 12 oras papunta sa mas ligtas na lugar sa Ukraine. “Pinatibay ako ng mga kapatid sa buong Ukraine at damang-dama ko ang pag-ibig nila. Nakatulong iyon para maibsan ang kirot na nadarama ko.”

Sabi pa niya: “Nakakasumpong din ako ng kaaliwan sa pangangaral. . . . Kapag nalulungkot ako, binibigkas ko ang mga teksto sa Bibliya gaya ng nasa Filipos 4:6, 7.”

Nagtitiwala tayo na patuloy na bibigyan ni Jehova ng lakas at kaaliwan ang ating mahal na mga kapatid na namatayan ng mahal sa buhay dahil sa digmaan sa Ukraine.—Awit 61:1-3.