HULYO 20, 2022
UKRAINE
Tumutulong sa Iba Kahit Kapos
Halos 47,000 Saksi ni Jehova ang nagsilikas dahil sa digmaan sa Ukraine. Marami ang nagsilikas sa mas ligtas na lugar sa bansa, kung saan binigyan sila ng mga kapuwa Saksi ng damit, pagkain, matutuluyan, at iba pang pangangailangan. Kahit na kapos din sa kabuhayan ang mapagpatuloy na mga kapatid na ito, masaya silang gawin ang kanilang makakaya para tulungan ang mga kapatid nilang nangangailangan.
Si Olha sa Uman, Ukraine, at ang asawa niyang hindi Saksi ay nagpatuloy ng kabuoang 300 Saksi sa unang dalawang buwan ng digmaan. Marami sa mga nagsilikas na kapatid na ito ay tumuloy lang ng isang gabi saka nagpatuloy sa kanilang paglalakbay. Kadalasan, bago dumating ang mga tao sa kalagitnaan ng gabi, saka lang sinasabihan si Olha tungkol sa pagdating nila. Minsan, nagpatuloy si Olha ng 22 kapatid. Natuto rin sa karanasang ito ang 18-anyos na anak ni Olha na si Stanislav, na maging mapagbigay. Madalas siyang matulog sa sahig para makatulog sa kuwarto niya ang lumikas na mga kapatid.
“Tuwang-tuwa ako kasi nakakatulong ako sa bayan ni Jehova sa mapanganib na panahong ito,” sabi ni Olha. “Masayang-masaya ako.”
Si Andriy at ang asawa niyang si Liudmyla ay nagpatuloy ng 200 Saksi sa loob ng limang linggo. Minsan 18 tao ang tumuloy sa kanila sa isang gabi. “Sinunod namin ang tagubilin mula sa tanggapang sangay, kaya may suplay kami ng pagkain. Ginamit namin ito para sa nagsilikas na mga kapatid sa loob ng isa at kalahating linggo,” sabi ni Andriy. “Ang mga kapatid ay nag-iiwan ng mga card na may pera, at ginagamit namin ito para bumili ng pagkain para sa susunod na mga bisita. Naglaan din ng pagkain ang Disaster Relief Committee, kaya hindi kami nagkulang ng anuman.”
Noong Marso, umalis si Vita ng Ivano-Frankivsk sa kaniyang apartment at tumira sa kapatid niyang babae para magamit ng nagsilikas na mga Saksi ang apartment niya. “Itinuturing ko itong pag-ibig at hindi isang sakripisyo,” sabi ni Vita. “Masaya ako sa ginagawa ko para sa nagsilikas na mga kapatid. Isang pamilya tayong lahat.”
Si Natalia ay nakatira sa Ternopil kasama ang kaniyang asawa at anak na babaeng si Habriela. Nang magsimula ang digmaan, nawalan silang lahat ng trabaho at halos maubos na ang ipon nilang pera na pambili ng mga pangangailangan nila. Pero pinatuloy pa rin nila sa kanilang bahay ang isang sister at ang anak nitong babae na may kapansanan.
“Naalala ko ang karanasan ng isang sister sa Africa na mahirap lang pero nagpatuloy siya ng 14 na kapatid na dadalo sa kombensiyon, at hindi sila nagkulang ng anuman,” sabi ni Natalia. Sinabi niya na nakatulong sa kaniya ang karanasang ito para unahin ang kapakanan ng iba.
Kahit na dumaranas sila ng mahirap na kalagayan, nagtitiwala kay Jehova ang mga kapatid natin sa Ukraine habang sinusunod nila ang payo na “maging mapagpatuloy kayo.”—Roma 12:13.