Pumunta sa nilalaman

Dalawang kapatid na nagka-cart witnessing sa Ukraine

HULYO 18, 2022
UKRAINE

UPDATE #11 | Kitang-kita ang Pag-ibig ng mga Kapatid sa Nangyayaring Krisis sa Ukraine

“Paggawa ng Mabuti” sa Lupaing May Digmaan

UPDATE #11 | Kitang-kita ang Pag-ibig ng mga Kapatid sa Nangyayaring Krisis sa Ukraine

Sa buong Ukraine, nagdulot ng kagalakan at magandang resulta ang pagbabalik ng pampublikong pagpapatotoo. Sinabi ng mga tagapangasiwa ng sirkito at mga elder doon na marami ang natuwa nang makita nila ulit ang mga cart natin ng literatura at may mga nagsabi pa ngang na-miss nilang makita ang mga Saksi ni Jehova sa lugar nila.

Dinalaw ni Tatiana na taga-Serhiivka Congregation sa Odesa Region ang mga nakausap niya bago ang pandemic. Ang sabi niya, “Umpisa pa lang, kitang-kita ko nang pinagpapala ni Jehova ang pagbabalik natin sa ministeryo.” Minsan, dinalaw niya ang isang babae na tumangging magpa-Bible study bago ang pandemic. Pero ngayon, gustong-gusto na nitong makipag-usap tungkol sa Bibliya at pumayag nang magpa-study. Sinabi ni Tatiana, “Kailangan kong dalawin ang lahat ng dati kong return visit at alukan sila ng Bible study!”

Sina Yevheniy at Lilia ay mga kapatid na lumikas mula sa Mariupol. Iniwan nila ang bahay nila at nakatira ngayon sa isang mas ligtas na lugar sa Ukraine. Pareho silang regular na nangangaral. Sinabi nilang nakakatulong sa kanila ang ministeryo para hindi nila maisip ang mga problema nila. Sabi nila: “Alam naming hindi na babalik sa dati ang buhay namin. Ang hirap magsimula ulit, pero alam naming hindi maikli ang kamay ni Jehova. Tinutulungan kami ng banal na espiritu niya, at handang tumulong ang mga kapatid para makapagsimula ulit kami sa isang bagong lugar.”

Sa ibang lugar naman sa Ukraine, nakakapagpatotoo ang mga kapatid dahil sa magagandang ginagawa nila. Halimbawa, tinulungan ng isang grupo ng mga kapatid sa lunsod ng Mykolaiv ang isang internasyonal na organisasyon na nagbibigay ng mga relief. Kinumpuni nila at inayos ang isang bodega na gagamitin sa pagbibigay ng tulong sa mga tao. Inayos ng mga kapatid ang water system, inihanda ang mga istante, at pinagbukod-bukod ang tone-toneladang relief. Nang mag-inspeksiyon ang isang kinatawan ng organisasyong iyon, napaluha siya. Sabi niya, “Hindi ko akalaing ganito ang kakalabasan nito.”

Mahirap ang sitwasyon ng mga kapatid natin sa Ukraine, pero nagiging masaya sila kasi aktibo sila sa ministeryo at sa “paggawa ng mabuti.”—Galacia 6:9.

Hanggang nitong Hulyo 13, 2022, makikita sa ibaba ang mga report mula sa Ukraine. Ang mga ito ay batay sa mga kumpirmadong report ng mga kapatid doon. Pero posibleng mas mataas ang mga aktuwal na bilang, dahil sa ngayon, mahirap ang komunikasyon sa lahat ng rehiyon ng bansa.

Epekto sa mga Kapatid

  • 42 kapatid ang namatay

  • 97 kapatid ang nasugatan

  • 28,683 kapatid ang lumikas

  • 524 na bahay ang nawasak

  • 588 bahay ang nagkaroon ng malaking pinsala

  • 1,554 na bahay ang bahagyang nasira

  • 5 Kingdom Hall ang nawasak

  • 10 Kingdom Hall ang nagkaroon ng malaking pinsala

  • 36 na Kingdom Hall ang bahagyang nasira

Relief Work

  • 27 Disaster Relief Committee (DRC) ang tumutulong sa Ukraine

  • 52,947 kapatid ang tinutulungan ng mga DRC na makahanap ng matutuluyan sa mas ligtas na mga lugar

  • 23,863 kapatid ang lumikas papuntang ibang bansa at tinutulungan sila ng mga kapatid doon