DISYEMBRE 29, 2022
UKRAINE
UPDATE #15 | Kitang-kita ang Pag-ibig ng mga Kapatid sa Nangyayaring Krisis sa Ukraine
Mula nang magsimula ang digmaan sa Ukraine noong Pebrero 2022, mga 3,000 bahay na ng mga Saksi ni Jehova ang nasira o nawasak. Noong Agosto, sa pangangasiwa ng Disaster Relief Department (DRD) at ng Local Design/Construction Department, sinimulan nang ayusin ng mga kapatid sa Ukraine ang mga nasirang bahay sa mga lugar na ligtas nang gawin ito. Pinapalitan nila ang mga nasirang bubong at bintana, at gumagawa ng iba pang minor repair. Pagdating sa mga nawasak na bahay, ginagawa nilang maliit na bahay ang garahe o bodega. Sa ngayon, 37 construction project na ang natapos, habang 48 naman ang kasalukuyang ginagawa.
Sa magulong panahong ito, mahirap gumawa ng mga construction project. Pero hindi nagdalawang-isip na tumulong sa relief work ang mga kapatid. Ikinuwento ni Sister Svitlana, edad 70, mula sa Velyka Dymerka, Kyiv Region: “Wala akong perang pampaayos ng bubong at harap ng bahay ko. Pero sinorpresa ako ni Jehova. Dumating ang mga kapatid at ginawa nila ang mga iyon nang tatlong araw lang.”
Sinabi naman ni Sister Nadiia, mula sa Horenka, Kyiv Region, na nakatulong nang malaki sa pangangaral natin ang relief work. Ipinaliwanag niya: “Naging malaking patotoo sa lahat ang ginagawa nating pagre-repair. Kahit y’ong mga ’di ko kilala, pinag-uusapan ang tunay na pagmamahal ng mga Saksi ni Jehova sa isa’t isa. ’Di sila makapaniwala na tinulungan ako ng mga karelihiyon ko.”
Kahit ang mga kapatid na nawalan ng bahay ay tumutulong din, gaya nina Yevhen at Tetiana. Nawasak ang bahay nila nang tamaan ng missile. Imbes na mag-focus sa nangyari sa kanila, tumutulong sila sa mga kapatid. “Talagang gusto naming tumulong sa iba,” ang sabi ni Yevhen. “Nakakayanan kasi namin ang mga problema namin ’pag tumutulong kami sa iba.”
Nag-volunteer din sa relief work si Sister Lidiia, mula sa Hostomel, Kyiv Region, pagkatapos ayusin ng mga kapatid ang bahay niya. “Sa loob ng dalawang linggo, umabot sa 16 na kapatid ang tumulong sa pag-aayos ng bahay ko,” ang sabi niya. “Parang nasa bagong sanlibutan na ako. Gusto ko ring tumulong sa iba.”
Nitong kamakailan, bumisita sa mga lugar na may relief work ang isang miyembro ng Komite ng Sangay sa Ukraine. Pinatibay niya ang mga kapatid na nawalan ng bahay. Sabi niya: “Mahal na mahal ng mga kapatid sa Ukraine ang isa’t isa. Pero mas nakita pa ’to mula nang mangyari ang digmaan. Talagang nakakapagpatibay na makitang lalong naging masigasig sa ministeryo ang mga kapatid dahil sa tulong na natanggap nila. ‘Naudyukan din ang marami na magpasalamat sa Diyos,’ gaya ng sinasabi sa 2 Corinto 9:12.”
Hanggang nitong Disyembre 20, 2022, makikita sa ibaba ang mga report mula sa Ukraine. Ang mga ito ay batay sa mga kumpirmadong report ng mga kapatid doon. Pero posibleng mas mataas ang mga aktuwal na bilang, dahil sa ngayon, mahirap ang komunikasyon sa lahat ng rehiyon ng bansa.
Epekto sa mga Kapatid
47 kapatid ang namatay
97 kapatid ang nasugatan
11,477 kapatid ang lumikas
590 bahay ang nawasak
645 bahay ang nagkaroon ng malaking pinsala
1,722 bahay ang bahagyang nasira
7 Kingdom Hall ang nawasak
19 na Kingdom Hall ang nagkaroon ng malaking pinsala
68 Kingdom Hall ang bahagyang nasira
Relief Work
26 na Disaster Relief Committee (DRC) ang tumutulong sa Ukraine
54,212 kapatid ang tinutulungan ng mga DRC na makahanap ng matutuluyan sa mas ligtas na mga lugar
26,892 kapatid ang lumikas papuntang ibang bansa at tinutulungan sila ng mga kapatid doon