PEBRERO 1, 2023
UKRAINE
UPDATE #16 | Kitang-kita ang Pag-ibig ng mga Kapatid sa Nangyayaring Krisis sa Ukraine
Muling Nagsimula ang mga Pioneer Service School
Mula noong Disyembre 26, 2022, muling nakadalo sa Pioneer Service School ang mga regular at special pioneer sa Ukraine sa mga lugar na ligtas gawin ito. Depende sa kalagayan, dumalo sila nang in person o via Zoom. Sa kabila ng mga hamon, gaya ng air raid, blackout, problema sa pinansiyal, at hindi magandang koneksiyon sa Internet, pangunahin pa rin sa mga kapatid natin ang pagtanggap nila ng espesyal na pagtuturong ito. Marami silang tinanggap na espirituwal na mga pagpapala.
Sinabi ni Natalia mula sa Kryvyi Rih: “Nakatulong sa akin ang paaralan na maging mas positibo at huwag madaig ng takot at pag-aalala.” Sinabi naman ni Anastasia mula sa Chernivtsi: “Dahil sa paaralan, kumbinsido ako na mahal na mahal ako ni Jehova. Talagang nakakatakot ang mga nangyari nitong nakalipas na taon, pero eksakto ang simula ng paaralan na kailangang-kailangan ko. Gagawin ko ang lahat para patuloy akong pagpalain ni Jehova.”
Nag-aalala noong una si Svitlana, isang pioneer sa Kitsman, nang matanggap niya ang imbitasyon para mag-aral. Sabi niya: “Sinabi ko kay Jehova ang tungkol sa mga ikinababahala ko, pati ang problema sa pinansiyal. Nagtiwala ako sa kaniya at hindi ko iyon pinagsisisihan. Damang-dama ko ang pag-ibig at pangangalaga ni Jehova.” Dahil sa mga pagsisikap ni Svitlana, napatibay ang asawa niya na hindi Saksi. Sumasama na ito sa kaniya sa pagdalo sa mga pulong ng kongregasyon.
Sa dalawang okasyon, kailangang lumipat ng mga estudyante sa Zhytomyr sa isang underground shelter dahil sa mga babala tungkol sa air raid. Gamit ang kalan na ginagatungan ng kahoy para painitin ang silid, ipinagpatuloy nila ang klase. Sa kabila ng mga problemang ito, sinabi ni Valentyna, na lumipat kamakailan sa Zhytomyr: “Hinding-hindi ko malilimutan ang paaralang ito. Para akong nasa ilalim ng mga pakpak ni Jehova.”
Gaya sa maraming bansa, tuwang-tuwa ang mga pioneer sa Ukraine nang malaman nila na binawasan ang kahilingang oras. Pagkarinig dito, sinabi ni Yulia: “Punong-puno ng pag-ibig ang puso ko para kay Jehova. Nanalangin ako nitong umaga lang kay Jehova at nagsumamo na pahintulutan niya sana akong manatili bilang pioneer. Hindi ko alam kung ano ang isasagot niya, pero alam kong sasagutin niya ito. Nang malaman ko na binawasan ang kahilingang oras, muli kong napahalagahan ang ginagawa ni Jehova para sa akin. Ang bagong balitang ito ay parang napakasarap na dessert sa pagtatapos ng paaralan.”
Hanggang nitong Enero 24, 2023, makikita sa ibaba ang mga report mula sa Ukraine. Ang mga ito ay batay sa mga kumpirmadong report ng mga kapatid doon. Pero posibleng mas mataas ang mga aktuwal na bilang, dahil sa ngayon, mahirap ang komunikasyon sa lahat ng rehiyon ng bansa.
Epekto sa mga Kapatid
47 kapatid ang namatay
97 kapatid ang nasugatan
8,953 kapatid ang lumikas
590 bahay ang nawasak
645 bahay ang nagkaroon ng malaking pinsala
1,722 bahay ang bahagyang napinsala
8 Kingdom Hall ang nawasak
17 Kingdom Hall ang nagkaroon ng malaking pinsala
76 na Kingdom Hall ang bahagyang napinsala
Relief Work
26 na Disaster Relief Committee (DRC) ang tumutulong sa Ukraine
46 na bahay ang inayos
5 Kingdom Hall ang inayos
54,445 kapatid ang tinutulungan ng mga DRC na makahanap ng matutuluyan sa mas ligtas na mga lugar
27,655 kapatid ang lumikas papuntang ibang bansa at tinutulungan sila ng mga kapatid doon